Dr. Faustus - Page 2 of 4
Isang Pagsasalin
Iskrip at Interpretasyon
ni Gloria Melendrez-Andrade
Tinig I: (N) At nang sa gayon si Faustus ay magtika…
Magsisi nang lubos, magsisi nang lubos…
Lahat: (Pa-lks) Oh… makapangyarihang Diyos
Sa iyo siya umaasa…!
Na mailigtas, yaong kaluluwa///
Sa imbing pagnanasa…!
(Lalapit na muli sa ibabang tanghalan sa may gawing kanan na ang kamay ay pasaklaw sa buong paligid.)
Lahat: (N) Ang dugo ni Kristong nakahasik sa buong paligid//
Bahaginan sana siya ng kahit na isang patak///
Nang sa gayo’y ang kaluluwa niya ay luminis!///
II & III: Ah! Ahh! Ah! Wala ka nang pag-asa…!
(Lalapit ang koro nang malapit na malapit kay Faustus.)
II & II: Wala ka nang pag-asa Faustus…!
(Higit na matatakot si Faustus, mapapaupo, tatakpan ang ulo, tainga hanggang tuluyan nang mapapalugmok.)
(Tatakbo si Faustus, hahabulin ang Tinig III)
III: wala na Faustus… wala na…! (Tatawa)
Wala ka nang pag-asa!
(Mapapahawak si Faustus nang mahigpit sa dingding, mangungunyapit, manlalaki ang mata at katog ang mga tuhod.)
Faustus: Tiyak… tiyak na ang aking wakas ay malagim///
Sa impiyerno, oo, sa impiyerno//
(tatakpan ang mukha, lilipat ng ibang lugar.)
Faustus: Sa impiyerno ang aking punta!
Hindi! Ayoko…!
Koro: Oo, sa impiyerno ang punta mo!
Doon sa piling ng mga kampon ni Satanas…!
Ni Satanas… ni Satanas…!
(Magsasayaw – ballet – paikot kay Faustus.)
Koro: Huwag mo sanang wasakin ang puso mo sa pagbanggit//
Ng pangalan ni Kristong Panginoon nating iniibig
Subalit nararapat bang banggitin ang kanyang pangalan?
Koro: (Mbgl) (Pa-lks) Ng tulad mo?
Ng tulad mo Faustus?
Demonyo: (Tindig mayabang, ibubuka ang tibabal, hahalukipkip, ngingisi at…)
Demonyo: (Mlks) Oo, ng katulad mo…
Ng katulad mo Faustus na may budhing walang kasing itim///
Ha! Ha! Ha! (Tawang pakutya)
(Hindi titingin si Faustus. Para itong napapaso. Itatayo ang mukha sa mga kamay.)
Faustus: Oh! lumayo ka!
Lumayo ka Lucifer!
Lumayo kaaa…!
(Titigil muna ay magpapahid ng pawis.)
Faustus: O! Diyos ko! Diyos ko!
Tulungan mo ako
Nasaan ka Hesukristo?
Nasaan ka (3x) (echo)
(Kapag ang demonyo ay hindi bumibigkas, kailangang sila’y nakahalukipkip.)
Demonyo: Ah! Wala ka nang pag-asa!
(Matutunog)
Demonyo: (Mlks) Wala ka nang pag-asa, Faustus
Wala na, wala na…
Demonyo: Ha! ha! ha! ha!
Wala na, wala na.
(Bibigkas ng echo habang nagtatawa ang mga demonyo.)
(Gagawa ng hanay na tatsulok.)
Faustus: Nakita kong nagbabadya
(Humihingal…)
Faustus: (N) Nag-aalab na sa galit
Faustus: (Mbgl) Ang Diyos na makapangyarihang nagbabanta ng panganib///
(Garalgal ang tinig at higit na mailap ang tingin.)
Faustus: Mga burol… mga burol yaong bangin…
(Takot na takot.)
(Haharap ang koro nang bigla. Iba’t ibang panuunan ng paningin pagdating sa bundok (sa iba’t-ibang dako naman sa mga burol; yaong bangin sa may ibabang tanghalan ang tingin.)
(Ang mga demonyo naman ay nakangisi at ang dalawa dito ay panaka-nakang sumasalisi sa paghalakhak sa pagitan ng salita at pagbigkas ni Faustus.)
Koro: (Mlks) Tila wari’y lumalapit…
Itago mo’t iligtas
Itong si Faustus...!
Pagka’t sila’y nagngingitngit…!
Bituin, bituin, bituin…! mga talang maririkit…
Koro: (N) Ikaw na lamang ang pag-asa ni Faustus…
Ng kaluluwa niya’t dibdib// lakas mo ngayon ay gamitin
At nang siya’y maging hamog// lumipana sa daigdig paimbulog…!
Faustus: (N) Iyan na lamang ang paraan at nais kong maging lubos//
At makarating na sa langit kaluluwa kong nagdarahop///
(Matutuwa at makababanaag ng kaunting pag-asa. Tatayo sa pagkakalugmok, matitingala at mabubuhayan ng loob.)
Demonyo: Si Faustus? Maging hamog? Ha! ha! ha!
(Titindig ng buong yabang tuwid na tuwid at taas noo.)
Demonyo: Hmmm… hmmm…
Makarating sa langit?
Maging hamog si Faustus?
(Nakalitaw ang mga ngipin at saka bibigkas, di sabay-sabay ang pagtawa.)
Demonyo: Ha! hahahahaha!
Sa tulong ng mga bituin?
Ha! ha! ha!
(Tatakpan ni Faustus ang kanyang tainga at isusubsob ang ulo. Magpapalipat-lipat sa mga dingding parang trumpo sa pagkatakot, habang naririnig ang ngayo’y palakas na tiktak ng orasan at may kasalit na kutingting ng malaking gitara.)
Koro: (N) Kakalahating oras na lamang…!
Koro: (Mbgl) Kakalahating oras na lamang…!
(Sisilip at titingnan ang orasan.)