Ang Saging at Unggoy, Saan Nagsimula?
(Alamat / Legend)
Isang napakagandang prinsesa ang namumuno raw noon sa isang kaharian sa Lanao. Mahal siya ng kanyang nasasakupan dahil sa kanyang kabutihan at matalinong pamamahala.
Dahil sa mabuting pamamalakad ng prinsesa ay nagkaisa ang kalalakihan sa kaharian na puspusang magtrabaho upang magkaroon ng masaganang ani ang mga taniman at palayan. Ang mga kababaihan ay nagkaisa naman sa pagpapanatili ng kalinisan sa kani-kanilang tahanan at paligid. At ang mga kabataan ay nangakong magbabait at mag-aaral nang mabuti.
Tinupad ng mga tauhan ng prinsesa ang kanilang mga pangako. Sinira ng kalalakihan ang kanilang sabungan at mga pasugalan. Umaraw at humapon ay nasa kanilang taniman sila. Ang mga kababaihan ay naging abala sa mga gawain sa kanilang tahanan. Araw-araw ay nasa paaralan naman ang mga bata at nagsisipag-aral. Tuwang-tuwa ang prinsesa sa kanyang nakita.
Nagdaan ang maraming taon at ang kaharian ng magandang prinsesa ay lalong umunlad. Ang kanyang kabaitan at mabuting pamamalakad ay nabalitaan sa iba't ibang lupain. Maraming prinsipe ang nanuyo sa prinsesa ngunit ganito ang sinasabi ng prinsesa sa kanila: Kung iibigin ko ang isa sa inyo, magdadamdam at magagalit ang iba. Maaaring magkaroon ng digmaan. Higit sigurong mabuti na ako ay manatiling isang dalaga upang mapangalagaan kong mabuti ang mga mamamayan sa aking kaharian.
Ngunit may isang taong hindi nasiyahan sa maunlad na pamamahala ng prinsesa. Ito ay ang mainggiting pinsan niya. Ibig nitong makuha ang palasyo at kapangyarihan ng mabait na prinsesa.
Isa sa mga maliligaw ng prinsesa ay iniibig ng kanyang mainggiting pinsan. Binalak nito ang isang masamang pakana. Kinausap niya ang manliligaw na ito at ganito ang kanyang sinabi. Iniibig ka ng aking pinsang prinsesa ngunit hindi ka niya matanggap dahil sa natatakot siyang lusubin ng mabibigong manliligaw ang kanyang kaharian. Ang mabuti pa, dalhin mo rito ang iyong kawal at pagpapatayin mo ang iyong mga kaagaw na manliligaw at ang mga guwardiya ng prinsesa. Pasukin mo ang kanyang kaharian.
Naniwala ang manliligaw sa mainggiting pinsan ng prinsesa. Tinipon niya ang kanyang mga sundalo at sama-sama silang nagsadya sa kaharian ng prinsesa.
Samantala, isang engkantadong ibon ang nagsadya sa mabait na prinsesa. Ibinalita nito ang masamang balak ng isa sa kanyang manliligaw sa kagagawan ng kanyang mainggiting pinsan. Kaagad niyang tinawag ang lahat ng kaniyang mga kawal at ang mga nasasakupan.
Magsisilikas kayo ngayon din! Madali! Umalis kayo sa kahariang ito
, utos ng prinsesa. Huwag muna kayong babalik dito.
Nagtaka ang mga tao. Ngunit hindi nila masuway ang utos ng kanilang mahal na prinsesa. Mabilis silang nagsipaghanda at noon din ay sama-sama silang umalis sa kanilang kaharian.