Unang Bahagi - Page 3 of 4
(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)
Ang pag-akyat sa Bundok Tabor ay agad sinimulan ni Don Juan. Nang sapitin niya ang tuktok ng bundok ay buong panggigilalas niyang nakita ang malaparaisong pangitain doon at ang punong may mga dahong pilak na kanyang sadya. Tunay siyang humanga sa kagandahang ibinihis ng kalikasan at sa luntiang kapaligirang kanyang pinagmamasdan. Kapagdaka’y hinanap niya ang kuweba ng ermitanyo na mahigpit na ibinilin ng matandang pulubi. Pinuntahan niya at magiliw siyang tinanggap ng matandang ermitanyo. Ipinaghain pa siya ng nito ng makakain. Namangha si Don Juan nang makita na ang inihain sa kanya ay siya ding tinapay na inilimos niya sa matandang pulubi. Paanong ang tinapay na ipinagkaloob niya sa ketongin ay naputa sa ermitanyo? Si Don Juan na din ang sumagot sa kanyang sarling katanungan.
Sinabi sa kanya ng ermitanyo, Sapagkat naipamalas mo ang kabutihan ng kalooban ng mga sandaling sapitin mo ang pook na ito ay nakatalaga ako ngayon na tulungan kang mahuli ang Ibong Adarna.
Ang Ibong Adarna ay isang engkantadong ibon na hindi mahuhuli ng gayun-gayon lamang. Mahiwaga ang kanyang awit at ang mapatakan ng kanyang dumi ay nagiging bato.
Siya ay humahapon sa punong may mga pilak na dahon kung sumasapit na ang hatinggabi. At sinumang naghihintay sa kanya ay napipilitang makatulog sa pitong ulit na pag-awit sa ginagawa niya. Sa bawat awit niya ay nag-iiba ang anyo ng kanyang mga plumahe.
wika ng ermitanyo.
Binigyan siya ng ermitanyo ng pitong dayap. At mahigpit na ibinilin na: Sa bawat awitin ng Ibong Adarna ay susugatan mo ang iyong bisig at pipigaan ng dayap ang sugat upang sa kirot na mararamdaman ay hindi makatulog sa kabila ng malambing niyang awit.
Pagkatapos ng pitong awit ay magbabawas ang Ibong Adarna bago matulog. Iwasan mong mapatakan ka noon kundi ay magiging bato ka. Ang taling gintong ito ang tanging mabisa upang siya ay talian.
At isang bagay pa, sa sandaling mahuli mo na ang Ibong Adrana ay sumalok ka ng tubig sa bukal na malapit sa puno at ibuhos mo sa dalawang batong nasa ilalim ng puno upang bumalik ulit sa dating anyo ang dalawa mong kapatid,
sabi ng ermitanyo bago umalis si Don Juan.
Si Don Juan ay nagtungo sa kinatitirikan ng puno sa Bundok ng Tabor. Inabot siya doon ng hatinggabi sa paghihintay at di kawasa’y naulinigan niya ang pagaspas ng mga pakpak na hudyat na ang Ibong Adarna ay dumarating na upang humapon sa puno. Pagdapo sa sanga ay pitong ulit na umawit ang Ibong Adarna ng buong tamis at lambing at pitong ulit na nag-iba ng anyo ang kanyang plumahe. Pitong ulit din na sinugatan ni Don Juan ang kanyang bisig at pinigaan iyon ng dayap upang hindi makatulog sa lambing ng mga awiting iyon.
Matapos dumumi ang Ibong Adarna ay natulog ito at agad namang inakyat ni Don Juan. Pagkatapos niyang mahuli ang Ibong Adarna, pumunta agad siya sa ilog upang kumuha ng tubig para ibuhos sa kanyang mga kapatid. Noon din ay nagbalik sa kanilang dating mga anyo sina Don Pedro at Don Diego.