Unang Bahagi - Page 2 of 4

(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)

Kung ilang araw na binagtas ni Don Pedro ang kasukalan ng gubat.  Nagpapahinga lamang siya upang kumain at matulog sa paghahangad na makarating agad sa patutunguhan.  Nang sapitin niya ang rumaragasang ilog ay lalo siyang nagsikap na iyon ay matawid.   Sa kabilang pampang naroon ang Bundok Tabor na kanyang hinahanap.  Inakyat niya ang matarik na daanan ng Bundok Tabor.  Abot-abot ang kanyang hingal nang sapitin niya ang tuktok ng bundok.  Kasalukuyang pinapawi niya ang matindi niyang gutom nang may dumating na isang matanda at humihingi sa kanya ng pagkain.  Hindi niya ito binigyan ng pagkain.

Pinasok ni Don Pedro ang kakahuyan ng Bundok Tabor.  Unti-unti nang lumatag ang kadiliman nang matanawan ni Don Pedro ang isang kakaibang puno.  Lumalalim ang gabi at nabagot sa paghihintay ang prinsipe hanggang sa siya ay dalawin ng matinding antok.  Nang sumapit ang hatinggabi ay nakatulog na si Don Pedro at hindi niya naulinigan ang pagaspas ng mga pakpak ng Ibong Adarna na patungo sa punong pinagkakanlungan niya.  Dumapo ito sa sanga ng puno sa ibabaw ng tinutulugang lugar ni Don Pedro.  Nang matiyak ng Ibong Adarna na natutulog si Don Pedro ay nagsimula itong umawit ng buong lambing.  Makapitong ulit umawit ang Ibong Adarna at sa lambing ng mga awit ay humanda ang Ibong Adarna upang matulog subalit ito ay dumumi muna.  At sa ilalim ng puno ay napatakan ng dumi ng ibon ang nahihimbing na prinsipe.  Noon din ay naging bato si Don Pedro at buong tiwasay na natulog ang Ibong Adarna na parang walang nangyari.

Lumipas ang marami pang mga araw, at sa palasyo ay ipinatawag naman ni Haring Fernando si Don Diego.  Dinatnan ni Don Diego ang kanyang inang reyna at amang hari na naghihintay.  Sinabi ni Haring Fernando na ilang araw nang wala si Don Pedro kaya siya ay nangangamba na baka hindi ito nagtagumpay kaya naman kay Don Diego na ngayon nakasalalay ang kanyang kaligtasan.  Buong-puso naman na sumunod ang prinsipe sa hari.  Naglakbay noon din si Don Diego.  Sa kasamaang palad ay sinapit din niya ang nangyari kay Don Pedro at naging bato din.  Nabigo na naman ang hari na magamot ang kanyang karamdaman.  

Si Don Juan ay labis na nag-aalala sa kanyang mga kapatid.  Ipinasya niyang dumulog sa kanyang amang hari at nagpaalam na siya naman ang maglalakbay.  Aalamin niya kung ano ang nanyari sa kanyang mga kapatid at para mahuli at maiuwi na din sa palasyo ang Ibong Adarna.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Don Juan.  Noon din, matulin niyang binagtas ang madilim na kagubatan.  Mula sa malagim na kagubatan ay walang gulat naman niyang tinawid ang rumaragasang ilog at sinapit niya ang kabilang pampang na walang anumang sakunang naganap.  Kakain na lamang sana si Don Juan nang mapalingon siya sa may kakahuyan sa pagkarinig sa panaghoy ng isang nilalang na dumaraing.  Likas na may busilak na kalooban si Don Juan kaya binigyan niya ito ng pagkain.  Tinanong ng matanda kung ano ang sadya ni Don Juan.  Sinabi niya ang dahilan ng kanyang paglalakbay, na hinahanap niya ang kanyang dalawang kapatid at ang Ibong Adarna, na siyang tanging lunas sa kanyang amang may karamdaman.  Nang malaman ng matanda ang kanyang pakay, mahigpit na itong nagbilin:  Bago mo pangahasan ang paghuli sa Ibong Adarna ay makipagkita ka muna sa ermitanyo na naninirahan sa isang kuweba sa Bundok ng Tabor.

Learn this Filipino word:

pakákanin ng bala