Ibong Adarna

(Booknotes / Summary in Tagalog)

Ang Ibong Adarna ay isang epikong Pilipino.  Ito ay tungkol sa isang ibon na nagngangalang Adarna. Ang Ibong Adarna ay may taglay na engkanto na nakakapagpagaling ng anumang karamdaman sa pamamagitan ng kanyang tinig.  Mahirap mahuli ito sapagkat nakaaantok ang kanyang tinig at nagiging bato ang sinumang matamaan ng kanyang ipot.  Ang Ibong Adarna ay matatagpuan lamang sa Bundok ng Tabor, namamahinga ito sa isang kakaibang punong kahoy na Piedras Platas kung tawagin, na ubod ng kislap tuwing gabi (Ang Piedras Platas ay batong plata sa Espanyol).  Tuwing araw, ang Ibong Adarna ay namamasyal at bumabalik lamang kapag gabi para mamahinga, at kumakanta ito ng pitong beses bago matulog.    

Ang Ibong Adarna ay isang pasalaysay na tula na ang buong pamagat ay Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania.  Walang tiyak na petsa ang tula, at nananatiling lihim ang may-akda nito, bagaman may ilang naniniwala na ang nasabing tula ay isinulat ni Huseng Sisiw na palayaw ni Jose de la Cruz.

Ang koridong Ibong Adarna ay binubuo ng 1,034 saknong (katutubong tulang dalít na ang sukat ay wawaluhin din at may isahang tugma).  Ito ay naglalarawan ng kapangyarihan ng mahika, pagmamahalan at pag-ibig, katapangan at katapatan, at ang panloloko at kawalanghiyaan ng ilang tauhan.

Sa kasalukuyan, ang Ibong Adarna ay isa sa mahahalagang akda ng Panitikang Pilipino na pinag-aaralan ngayon sa mataas na paaralan (sa unang taon), alinsunod sa kurikulum na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon.

Learn this Filipino word:

isáng baro't isáng saya ang dalá