Mga Tauhan

(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)

Pangunahing tauhan:

Ibong Adarna
Isang engkantadong ibon.  Ito ay nagpapahinga sa punong may mga pilak na dahon kung sumasapit ang hatinggabi.  Umaawit ito ng pitong beses at sa bawat awit nito ay nag-iiba ng anyo ang kanyang mga plumahe.  At sinumang naghihintay sa kanya ay napipilitang makatulog sa pitong ulit na pag-awit na ginagawa niya.  Pagkatapos ng pitong awit ay magbabawas ang Ibong Adarna bago matulog.  Mahiwaga ang kanyang awit at nakapagpapagaling ng anumang karamdaman sa sinumang makadinig nito, ngunit ang mapatakan ng kanyang dumi ay nagiging bato.  
Haring Fernando
Kinikilalang isang haring makatarungan at makatuwiran.  Hinahangaan nang labis ang kanyang mahusay na pamamahala sa Berbanya dahil sa payapang namumuhay ang mga mamamayan sa maunlad na kaharian.
Reyna Valeriana
Ang butihing asawa ni Don Fernando at ina ng tatlong magigiting na prinsipe ng Berbanya na sina Don Pedro, Don Diego, at Don Juan.  Ang kanyang kahinahunan ay lalong nagdulot ng kabutihan upang ang Hari ng Berbanya ay higit na maging makatarungan at matalino sa pamamalakad sa kaharian.
Don Pedro
Ang panganay na anak ng Hari at Reyna ng Berbanya.  Isa siyang magiting na mandirigma.  Likas ang angking galing at talino na taglay ng isang prinsipeng tagapagmana ng korona, subalit likas din ang kanyang angking kabuktutan at ang lihim na inggit.  Naghahangad na sumunod na maging hari ng Berbanya.
Don Diego
Ang pangalawang anak ng Hari at Reyna ng Berbanya.  Isang prinsipeng sunud-sunuran sa kapatid na si Don Pedro.  Tulad ng panganay na kapatid, siya ay bihasa rin sa paghawak ng armas.  Bagama’t may angking talino sa pamumuno at may kakayahan ding tanghaling tagapagmana ng korona ay naging sunud-sunuran si Don Diego sa panganay na kapatid kaya’t nawalan ng sariling desisyon.  Si Don Diego ay nalilihis ng landas dahil sa kabuktutan ni Don Pedro.
Don Juan
Ang pinakanatatanging prinsipe, ang bunsong anak ng hari at reyna.  Siya ang prinsipeng matuwid at nagmana ng pagiging makatarungan at makatuwiran ng amang hari.  Likas sa puso ang kabutihan kaya’t nagawang linlangin ng dalawang kapatid na may buktot na hangarin.  Ang likas na kabutihang taglay ang nagligtas kay Don Juan sa mga kapahamakang nasusuungan.

Iba pang tauhan:

Matandang leproso
Ang matandang may mahigpit na bilin na makipagkita muna si Don Juan sa ermitanyo na naninirahan sa isang kuweba sa Bundok Tabor bago pa man niya pangahasang hulihin ang Ibong Adarna.
Ermitanyo
Ang matandang nagpayo kay Don Juan ng mga kailangan niyang gawain para mahuli ang engkantadong Ibong Adarna.
Donya Juana
Ang kapatid ni Donya Leonora at prinsesang iniligtas ni Prinsipe Juan mula sa higanteng nagbabantay sa kanya.
Donya Leonora
Ang bunsong kapatid ni Donya Juana at iniligtas ni Don Juan mula sa serpyenteng may pitong ulo na tagapagbantay niya.
Haring Salermo
Hari sa kaharian ng Delos Cristal (Kaharian ng mga Kristal) at ama ni Donya Maria Blanca. May taglay na mahikang itim.
Donya Maria Blanca
Ang prinsesa ng Reyno Delos Cristal.  May taglay ding kapangyarihang mahika na higit pa sa kanyang ama na si Haring Salermo.

Learn this Filipino word:

mahabà ang kamáy