Unang Bahagi

(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)

Noong unang panahon sa malayong reyno ng Berbanya, mapayapa at masayang namumuhay ang mga mamamayan nito na di nakakakilala ng ligalig.  Ito ay utang ng lahat sa mabuting pamamalakad ng mabait na Haring Fernando at ng kanyang butihing maybahay na si Reyna Veleriana.

Tatlong makikisig na binata ang kanilang mga anak na kapwa lugod ang mga kanilang puso.  Isa sa kanila ang nakatadhanang magmana ng setro at korona ng kaharian ng Berbanya.

Si Don Pedro ang panganay sa tatlo, at siya ay naniniguro na siya ang magiging tagapagmana ng korona.  Malakas siya, matikas at kinagugulatan ng lahat sa paghawak ng espada.  Sumunod sa panganay ay si Don Diego, ang binatang taring kung turingan, malilikot ang mga mata at tunay na mabilis sa mga dalaga.  Siya’y mahusay din sa espada.  At ang bunso ay si Don Juan na bagama’y mahiyain at may katangiang mababang-loob ay tunay na kaakit-akit at itinitibok ng puso ng mga kadalagahan sa buong sakop ng kaharian.

Sino sa tatlo ang karapat-dapat na magmana ng trono?  Iyan ang kaisipang bumabagabag sa kalooban ng matandang Haring Fernando.  Sa labis na pag-iisip na iyon at dahil na din sa katandaan marahil ay naratay ang hari sa isang di maipaliwanag na pagkakasakit.

Ipinatawag ang mga magagaling na manggagamot.  Subalit hindi matuklasan ng mga dalubhasa ng reyno kung ano ang sanhi ng kanyang karamdaman.  Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa reyna.  Ang pagkakasakit ng hari ay ikinabahala ng labis ng buong kaharian.  Ito’y labis ding dinamdam ng bunsong anak na si Don Juan subalit hindi nina Don Pedro at Don Diego na waring ang pagkakasakit ng ama ay isang bagay na dapat agahan kundi man malaon nang kainipan.

Nang gabing iyon, habang tinatangay ng nakahihibang na lagnat ang balisang hari sa kanyang himlayan ay isang waring panaginip ang kaniyang gunita.  Isang pagkaganda-gandang diwata na mistulang sugo ng langit ang nanaog upang ihatid sa kanya ang balita sa magsisilbing lunas sa kaniyang karamdaman.

Dahil hanggang ngayo’y hindi pa napagpasiyahan ng hari kung sino ang magiging tagapagmana ng kaharian.  Ang kaniyang karamdaman ay ibinigay sa hari upang matulungan siyang magpasiya.  Dito nakasalalay ang kinabukasan ng kaharian ng Berbanya.  Kung sinuman sa mga anak ng hari ang makakapagpagaling ay siyang karapat-dapat na maging tagapagmana ng setro at korona.

Sa Bundok ng Enkantadong Tabor ay namumugad ang Ibong Adarna, kung sino sa anak ng hari ang makakahuli at magdadala nito sa hari ay siya ang kaniyang pipiliin.  Sa sandaling madala na ang ibon at marinig itong umawit, ang hari ay gagaling.  Isinalaysay ng hari kay Reyna Valeriana ang panaginip na dumalaw sa kanya.  Ito ay nagbigay ng ibayong pag-asa sa kanyang nanlulumong kalooban dahil sa karamdaman.

At hindi nga nagtagal ay gumayak na si Don Pedro upang patunayan sa lahat na siya ang tunay na tagapagmana ng setro at korona.  Ipinagbunyi ng buong lugod ng mga mamamayan ang paglisan ni Don Pedro upang hanapin ang Ibong Adarna.  Ang lahat ay umaasang magtatagumpay ang prinsipe sa pagkuha ng lunas na magpapagaling sa minamahal nilang hari.

Pages

Learn this Filipino word:

maamong kalapati