Buod ng Bawat Kabanata - Page 3 of 3

Kabanata 22: Si Laura (saknong 275-287)

Nakilala at naakit si Florante sa kagandahan ni Laura, anak ni Haring Linseo.

Kabanata 23: Isang Pusong Sumisinta (saknong 288-295)

Nagkaroon ng tatlong araw na piging para kay Florante. Sa piging na iyon ay sandali lamang silang nagkasarilinan ni Laura at ipinahayag ang kanyang damdamin sa dalaga. Nang pupunta na si Florante upang makidigma, nagbaon ng luha si Laura sa kanyang pag-alis.

Kabanata 24: Pakikipaglaban Kay Osmalik (saknong 296-313)

Sa digmaan, halos masira na ang kuta nila. Si Florante at Menandro ang kapwa nagtulong mamuno sa hukbo. Naglaban si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng limang oras na paglalaban ay nagapi niya ito. Nabawi nila ang kaharian ni Haring Linseo.

Kabanata 25: Pagbabalik sa Albanya at Pagsagip Kay Laura (saknong 314-323)

Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad sa kanyang bayan sapagkat sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating nila sa Albanya ay namangha siya sapagkat ang bandilang nakawagayway sa kanilang bayan ay bandila ng mga Moro. Niligtas ni Florante si Laura sa kamay ng isang pangkat ng mga Moro na magpaparusa at pupugot ng ulo sa kanyang kasintahang si Laura dahilan sa pagtanggi nito sa pagsuyo ng Emir o gobernador ng mga Morong sumasakop sa kanilang bayan.

Kabanata 26: Ang Pagtataksil ni Adolfo (saknong 324-343)

Nilusob nila Florante ang reynong Albanya, nasakop ito at nailabas sa piitan ang hari, ang kanyang ama at si Adolfo, na ikinulong sa karsel ng palasyo kasama ng ibang kaginoohan sa Albanya. Labis ang kagalakan ng hari at si Adolfo lamang ang nagdadalamhati sa kapurihang tinanggap ni Florante. Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya at nagaping muli ni Florante ang mga kalaban. Labimpitong kaharian pa ng mga Moro ang pinagtagumpayan nila ni Menandro. Sa Etolya, may sulat na nagtatagubilin kay Florante ang Haring Linceo na iwanan ang hukbo kay Menandro at umuwing nag-iisa sa palasyo nito. Hindi niya akalain na pagdating niya ay dinakip agad siya ng may 30,000 sandatahan ni Adolfo at dali-dali siyang ikinulong sa bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke Briseo ay pakana ni Adolfo. Nalaman din niyang malapit nang ikasal si Laura kay Adolfo. Dahil dito, ninais na niyang mawalan ng sariling buhay.

Kabanata 27: Ang Salaysay ni Aladin (saknong 344-360)

Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw at saka dinala siya sa nakalulunos na gubat at iginapos sa punong kinatagpuan sa kanya ng Morong si Aladin. (Dito nagwakas ang salaysay ni Florante.)

Pagkatapos ni Florante sa kanyang kuwento ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang naging karanasan sa buhay. Anak siya ni Sultan Ali-adab ng Persya, at siya ang namuno sa hukbong Persyano na kumupkop sa Albanya. Ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang bayan ni Florante upang umuwi sa kaharian ng kanyang ama. Ipinakulong siya sa karsel ng palasyo nang malamang siya’y lumisan sa kanyang hukbo. Nang mabalitaan sa Persya na nailigtas ni Florante ang Albanya, ay isinisi ito sa kanyang pagkakalisan sa kanyang hukbo, kaya’t hinatulan siyang papugutan ng ulo ng kanyang sariling ama. Nguni’t isang heneral ang nagdala ng patawad kay Aladin pero may pasubaling siya’y umalis na sa Persya kung hindi siya susunod sa bagong utos na ito, buhay niya ang magiging kapalit. Mabigat ang loob na tumupad si Aladin sa pagpapalisang ipinarusa sa kanya. May anim na taon na siyang naglalagalag sa iba’t-ibang lugar. Hanggang sa masapit ang gubat na kinasasapitan ni Florante at siya’y iniligtas sa dalawang leon na sa kanya’y sasagpang. Sa kanilang paglalakad papalabas ng gubat ay may nadinig silang dalawang tinig ng babaeng nagsasalaysay.

Kabanata 28: Si Flerida (saknong 361-369)

Ang sabi ng isang babae, nang malaman niyang pupugutan ang kanyang kasintahang nasa bilangguan ay pumayag na siyang pakasal sa sultan kapalit ng paglaya ng kanyang kasintahan. Pinawalan naman agad ito, subalit nang gabi ding iyon ay nagbalat-kayo ang babae ng isang gerero at tumakas sa Persya upang hanapin ang minamahal niyang si Aladin. May ilang taon ding siyang naglilibot hanggang sa sumapit sa gubat at nasaklolohan ang kausap niyang babae.

Kabanata 29: Ang Sinapit ni Laura (saknong 370-392)

Anong laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay sina Laura at Flerida.

Isinalaysay naman ni Laura ang nangyari sa Albanya na samantalang nasa ibang bayan si Florante – ang pagkakaagaw ni Adolfo sa trono, ang pagpugot sa ulo ng hari at sa mga kabig nito. Sinabi niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante upang ipahatid ang nangyari sa Albanya subalit ang natanggap ni Florante ay isang sulat na huwad sa ngalan ng haring ama ni Laura na mahigpit na nagbibiling umuwi siyang nag-iisa sa Albanya. Dumating naman si Florante pagkaraan ng isang buwan. Ito ang naging paraan kung paano nadakip si Florante ng mga kawal ni Adolfo. Ikinulong sa piitan at pagkalipas ng ilang araw ay ipinadala sa gubat at doon ay ipinagapos. Samantala, humingi ng limang buwang taning si Laura upang isaalang-alang ang mungkahing pagpapakasal ni Adolfo sa kanya. Sa katunayan ay inaantala lamang ni Laura ang mga panahon upang makabalik si Florante. Kaya nang wala ng paraan upang mahimok si Laura ay dinala ito sa gubat upang sana’y pagsamantalahan kundi lamang ito naipagtanggol ni Flerida. Sa pagkakapana ni Flerida kay Adolfo, naging isa siyang bangkay.

Sa nadinig ni Florante at Aladin na kwento ni Laura at Flerida, nalinawagang hindi nagtaksil si Laura kay Florante at hindi natuloy ang hanagrin ni Sultan Ali-adab kay Flerida.

Kabanata 30: Masayang Wakas (saknong 393-399)

Habang nag-uusap ang magkakasintahang pinagtagpu-tagpo ng mahiwagang kapalaran, siya namang pagdating ng hukbo ni Menandro na ang hanap ay si Adolfo. Nangagsigawan sa tuwa ang hukbo nang makitang buhay si Florante at Laura. Nagsibalik ang lahat sa palasyo. Hindi nagtagal at nakasal ang dalawa at naging hari at reyna ng Albanya. Samantala, sina Aladin at Flerida, matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib din at umuwi sa Persya upang doon mamuno sa sariling bayan dahil sa kumalat na balitang patay na si Sultan Ali-adab. Mula noon ay natigil na ang pagdirigmaan ng Albanya at Persya. Naging kapuwa matiwasay at maunlad ang kanilang nasasakupan.

Learn this Filipino word:

puno't-dulo