Buod ng Bawat Kabanata - Page 2 of 3

Kabanata 9: Sa Harap ng Dalawang Leon (saknong 108-125)

Samantala, mayroong palapit na dalawang leon, na sa pagkakita pa lamang ay parang nais nang kainin si Florante. Tila napatigil ang mga leon at nakalimutan ng mga ito ang kanilang tangkang pagkain sa kanya.

Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na si Florante sa Albanya, na puno na ngayon ng kasamaan at kanyang minamahal na si Laura. Wala siyang naisip kundi ipagtanggol ang kanyang bayan subalit di niya inaasahang ganoon na lamang ang kahihinatnan ng kanyang pagsasakripisyo sa bansa dahil ipapakain lang pala siya sa dalawang leon.

Kabanata 10: Ang Pagsaklolo (saknong 126-135)

Hindi nagdalawang-isip si Aladin na sagipin si Florante, na nakatali sa puno at nawalan ng malay. Bagama’t magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon, agad niyang pinatay ang dalawang leon na nakaabang lapain si Florante.

Kabanata 11: Mabuting Kaibigan (saknong 136-145)

Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay wala pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si Laura.

Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon (saknong 146-155)

Nang matauhan si Florante, sinabi ni Aladin na huwag siyang mag-alala dahil ligtas na siya. Sa di inaasahan, sinabi niya sa gererong Moro na sana ay hinayaan na lamang siyang mamatay. Hindi akalain ni Aladin na ganito ang sasabihin ng binata sa kanya.

Kabanata 13: Ang Magkaibigan (saknong 156-172)

Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang natutulog dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng kaunting lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing kalaban. Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni Florante. Hangad daw ng Moro na makatulong siya.

Kabanata 14: Ang Kabataan ni Florante (saknong 173-196)

Isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Na sanggol pa lamang siya sa bakasyunang malapit sa bundok ng kanyang mga magulang na Duke Briseo at Prinsesa Floresca (sa Albanya) ay muntik sa siyang dagitin ng isang buwitre na mabuti na lamang ay napana ng pinsan niyang si Menalipo na taga-Epiro. Ang kanyang ama ay tagapagpayo ni Haring Linseo ng Albanya. Kaya’t kahit na siya ay anak ng prinsesa sa Krotona, siya ay isinilang sa Albanya. Sa bulwagan naman ng kanilang palasyo ay sinambilat ng isang alkon ang kwintas niyang may palawit na diyamante o kupidong diyamante. Noo’y bago pa lamang siyang lumalakad (ang alkon ay isang uri ng ibon na nahahaling o naaakit sa makikintab o kumikinang na mga bagay). Nang siyam na taong gulang siya’y pamana ng ibon at ibang mga hayop ang kanyang libangan.

Kabanata 15: Pangaral sa Magulang (saknong 197-204)

Sinabi ni Florante na hindi dapat palakihin ang mga bata sa saya dahil kapag ito'y namihasa, kapag lumaki na ay mahihirapan. Madalas, ang mga taong ganito ay masakitin at maramdamin.

Ipinadala sa Atenas si Florante upang mag-aral nang siya’y 11 taong gulang upang doon ay mamulat ang kanyang kaisipan.

Kabanata 16: Sa Atenas. Si Adolfo (saknong 205-214)

Ang guro ni Florante sa Atenas ay si Antenor, isang mabait at matalinong guro doon. Sa Atenas niya nakilala ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno, na tampulan ng paghanga ng kanyang mga guro, at ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan at kagandahang-asal nitong pinapakita.

Kabanata 17: Kataksilan ni Adolfo (saknong 215-231)

Sa loob ng anim na taong pagkakapag-aral ni Florante ay nahigitan niya si Adolfo kaya’t lumabas ang tunay na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang nagkaroon sila ng dula sa palatuntunan ng kanilang eskwela. Ito’y tungkol sa magkakapatid na sina Etiocles (ginanap ni Florante) at Polinese (bahagi ni Adolfo) na naglaban ng espadahan upang mapasiyahan kung sino sa dalawang prinsipeng mga anak ni Reyna Yocasta (papel ni Menandro) ang papalit sa namatay nilang ama na si Haring Edipo. Sa kunwaring ispadahan na ito, talagang matitinding taga ang hinandulong kay Florante ng may masamang balak na si Adolfo. Mabuti na lamang at sa kaliksihan ni Menandro ay napailandang ang espada ni Adolfo at ang kataksilan niya’y nabigo. Kinabukasan ay lumisan sa Atenas at umuwi sa Albanya ang napahiyang si Adolfo. May hangad pala itong maagaw si Laura kay Florante na siyang iniibig ng dalaga upang maging hari kung maging reyna na si Prinsesa Laura, sakaling yumao o mamatay si Haring Linseo.

Kabanata 18: Kamatayan ng Isang Ina (saknong 232-239)

Namalagi pa si Florante ng isang taon sa Atenas hanggang tumanggap siya ng isang liham mula sa Albanya. Ibinalita ng kanyang ama na pumanaw na ang kanyang ina. Laking sama ng loob ang idinulot nito kay Florante.

Kabanata 19: Paalaman at Habilin (saknong 240-253)

Pagkaraan pa nang dalawang buwan, may sasakyang lumunsad sa pantalan ng Atenas na may pahatid-liham mula sa ama ni Florante na nagsasabing siya daw ay umuwi agad sa kanyang bayang Albanya. Nagpaalam siya sa kanyang gurong si Antenor at ito nama’y nagpaalalang siya’y mag-ingat sa banta sa kanyang buhay. Pinayagan ni Antenor na sumama si Menandro kay Florante na yumayakap sa kanya ng mahigpit nang siya’y magpaalam sa kanyang amain.

Kabanata 20: Pagdating sa Albanya at Paghingi ng Tulong ng Krotona (saknong 254-263)

Pagdating sa Albanya ay sinalubong sila ng kanyang ama. Kapwa sila namighati sa nangyari sa kanyang ina. Siya namang pagdating ng sugo mula sa lolo ni Florante na hari ng Krotona, nanghihingi ng saklolo sapagkat ang bayan nila ay sinalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral Osmalik.

Kabanata 21: Heneral ng Hukbo (saknong 264-274)

Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linseo at sa pagpupulong ng mga pinuno ay napagpasiyahang si Florante ang mamumuno sa hukbo ng Krotona.

Learn this Filipino word:

ginintuáng tinig