Buod ng Bawat Kabanata
Narito ang maikling buod ng bawat kabanata na pinagsama-sama upang makatulong ng malaki sa madaling pag-unawa ng bawat taludtod.
Pag-aalay kay Selya
Nagugunita ni Francisco ang masasaya at malulungkot na sandali ng kanilang lumipas na panahon ni Selya. Kinatatakutan ni Francisco na baka makalimot si Selya sa kanilang pag-iibigan sapagkat noong mga panahong iyon siya ay nakakulong, samantalang si Selya naman ay malaya. Ayon kay Balagtas kailanman ay di niya malilimot ang masasayang araw nila ni Selya na naging daan ng kanilang pagmamahalan. At ngayong siya ay namimighati sa bilangguan ang tangi lamang nakaaaliw sa kanya ay ang paggunita sa larawan ni Selya sa inilimbag niya sa kanyang puso, isip at damdamin.
Naaalala rin ni Francisco ang mga lugar sa kanilang pinagtatagpuan noong sila ay matamis na nagsusuyuan, gaya ng ilog Beata, puno ng mangga at ilog Makati, dito ay sinasariwa niya ang matamis nilang suyuan. Kaya siya ay nagsisisi kung bakit di pa niya naitanan si Selya noong panahong iyon. Sana’y din na naagaw ni Mariano Kapule. At siya ay napapaiyak kung nagugunita niya ang nangyari sa kanyang buhay, lagi niyang hinahanap si Selya na nagdulot sa kanya ng libong kaligayahan, sana daw ay din na sila nagkahiwalay. At dahil sa kanyang mga kasawian ay naisip niyang sulatin ang “Florante at Laura” na si Selya ang naging inspirasyon at dito ay inilarawan niya ang tinamong kasawian kay Selya.
Sa Babasa Nito
Isang pasasalamat ni Francisco sa sino mang babasa ng tula at magpapahalaga nito. Hinihiling niyang subukang unawain ang malalim na wikang ginamit dito dahil kung susuriin ng husto ay malalamang ito ay malinaw at wasto.
Kabanata 1: Ang Gubat (saknong 1-7)
Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap sa loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre.
Kabanata 2: Ang Binatang Nakagapos (saknong 8-24)
Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili.
Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde Adolfo sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo, sinabugan niya ng kasamaan ang kaharian.
Kabanata 3: Alaala ni Laura (saknong 25-32)
Sinabi ni Florante sa kanyang sarili na kaya niyang tiisin ang pagdurusa, kung ito ang gustong mangyari ng Maykapal. Iisa lamang ang tangi niyang hiling, ang maalala siya ng kanyang minamahal sa si Laura. Di niya maiwasang maalala ang kanilang suyuan, at iniisip niya na baka agawin si Laura ng kanyang karibal na si Adolfo.
Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa (saknong 33-54)
Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin ang kanyang paghihimutok.
Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang bandang may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may munting galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung nasaan na ang lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya.
Kabanata 5: Halina, Laura (saknong 55-68)
Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga sakit tulad ng nakaraan. Halos sumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante ay matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay.
Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni Laura ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng Langit. Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso at hindi kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin na ipagkaloob sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si Laura na kanyang irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng malay, siya ay napayukayok sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang bangkay.
Kabanata 6: Ang Gererong Taga Persia (saknong 69-82)
Nagkataon namang sa gubat ding iyon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na umalis sa sariling bayan dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa kanyang kasintahan. Sa lilim ng punong kahoy siya'y umupo at lumuluha habang binabanggit ang pangalan ng kanyang mahal na si Flerida.
Sinambit ni Aladin laman ng kanyang puso at diwa: "O pagsintang labis ng kapangyarihan,sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamakin lahat masunod ka lamang!"
Kabanata 7: Pag-aalaala sa Ama (saknong 83-97)
Ang mga panaghoy ng nakagapos na tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan: ang pagkawala ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan; ang akala niyang pagtataksil ni Laura; ang pagpatay sa hari at mga kabig nito kasama na ang kanyang ama; ay nadinig lahat ng gererong Moro kaya tinunton niya ang boses na pinanggagalingan ng panaghoy.
Kabanata 8: Paghahambing sa Dalawang Ama (saknong 98-107)
Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante dahilan sa isang Morong na nakikinig sa kanya. Nabatid niyang napaiyak ang Moro dahil sa ang kanyang sinisinta ay inagaw ng sariling ama. Samantalang si Florante naman ay namaalam na kay Laura at pinagdasal na sana ay maging masaya ito sa piling ng iba.