Kabanata 39: - Page 2 of 3

Katapusang Kabanata

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Tinangka ni Padre Forentino na ihanap ng lunas si Simoun.  Pasigaw na sinabi ng mag-aalahas na huwag na silang mag-aksaya ng panahon dahil mamatay siyang dala niya ang kanyang lihim.  Ang Pari ay lumuhod sa kanyang reclinatorio (luhuran sa pagdarasal) at nanalangin sa paanan ng imahen ni Hesukristo at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang pangalan.  Halos nasindak ang Pari.  Malungkot na ngumiti ang maysakit.  Tinakpan ng Pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig.  Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay.  Labintatlong taon siya sa Europa.  Nagbalik siyang puno ng pangarap at pag-asa.  Pinatawad ang mga nagkasala sa kanyang ama pabayaan lamang siyang mabuhay nang payapa.  Ngunit mahiwagang mga kamay ang nagtulak sa kanya sa isang kaguluhang gawa-gawa at ang lahat ay nawala sa kanya: pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, kalayaan at naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan.  Tinika niyang maghiganti.  Nangibang bansa siya dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya’y nangangalakal.  Nakilahok siya sa himagsikan sa Kuba.  Nakilala niya roon ang Kapitan Heneral na noon ay kumandante pa lamang.  Pinautang siya.  Naging kaibigan matalik dahil sa kawalanghiyaan ng Kapitan na si Simoun ang nakaalam.  Sa tulong ng salapi ay nakuha niyang maging Kapitan Heneral ang kaibigan at naging sunud-sunuran sa kanya dahil sa katakawan sa salapi.  Inupatan niya ang Kapitan sa paggawa ng maraming kabuktutan.

Mahaba ang pagtatapat ni Simoun at gabi na nang matapos.  Sandaling naghari ang katahimikan.  Inihingi ng tawad ng Pari ang mga pagkukulang ni Simoun at hiniling niya kay Simoun na igalang ang kalooban ng Diyos.  Mahinahong nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin.  Ang sagot ng Pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan.  Hindi maililigtas ng krimen at kasamaan ang mga dinumihan ng krimen at kasamaan.  Ang poot ay walang nalilikha kundi mga panakot; ang krimen ay mga salarin ang nalilikha.  Pag-ibig lamang ang nakagagawa ng mga bagay na dakila.  Ang katubusan ay kabutihan; ang kabutihan ay pagpapasakit, ang pagpapasakit ay pag-ibig.

Tinanggap ni Simoun ang lahat na sinabi ng Pari.  Inamin niyang siya ay nagkamali.  Ngunit naitanong niya ng dahil ba sa magkakamaling iyon ay ipagkait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya.  Ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap.  Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa ang tugon ng Pari.

Napailing si Simoun.  Ang magtiis at gumawa ay madaling sabihin sa mga hindi pa nakaranas ng pagtitiis at paggawa.  Anong klaseng Diyos ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit.  Sinabi ng Pari ay ito raw ang isang Diyos na makatarungan. Diyos na nagpaparusa sa kakulangan natin ng pananalig at sa mga gawa nating masama.  Pinabayaan natin ang kasamaan kaya’t katulong tayo sa paglikha nito.  Ang kalayaan ay di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim.  Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao...  Gumawa tayo ng mabuti, tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan.

Pinisil ni Simoun ang kamay ng Pari.  Naghari ang katahimikan.  Dalawang pisil pa.  Nagbuntunghininga si Simoun.  Higit na mahabang katahimikan.

Learn this Filipino word:

pagpapantáy ng paá