Kabanata 23:

Isang Bangkay

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Nang gabing iyon, ikapito, ay makalawang umalis at dumating si Simoun sa bahay na may iba’t ibang taong kasama.  Nakita siya ni Makaraig nang mag-iikawalo sa may daang Ospital, malapit sa kumbento ng Sta. Clara.  Nakita siya ni Camarroncocido sa may dulaan nang mag-iikasiyam na may kausap na tila estudyante.

Si Basilio ay di din nanonood.  Nagrerepaso siya sa bahay.  Hindi na nag-sasama sa mga kamag-aaral mula nang tubusin si Huli sa pagkakaalila.  Pinag-aralang mabuti ang pagpapagaling kay Kapitan Tiyago na noon ay lalong naging mahirap pakibagayan.  Kung minsan ay mahal na mahal nito si Basilio at kung minsa’y nilalait.  Pabigat nang pabigat ang karamdaman nito.

Ang pagbabawas sa paghitit ni Kapitan Tiyago ay isinasagawa ni Basilio ngunit kung nasa lalawigan o nasa paaralan siya’y may nagbibigay ng labis na apyan sa matanda.  Si Simoun at si Padre Irene lang naman ay walang itinatagubilin kay Basilio kundi ang pagalingin ang maysakit, pagtiisan ito sa pag-aalaga.

Sa pagrerepaso ni Basilio ay dumating si Simoun.  Mula nang magkita sila sa San Diego ay noon lamang sila nagkaharap.  Kinumusta ni Simoun ang maysakit. Malubha, ani Basilio.  Malala na raw ang kalat ng lason sa katawan.  Tulad daw ng Pilipinas, ani Simoun.

Hinimok ni Simoun si Basilio na makiisa sa himagsikan laban sa pamahalaang Kastila dahil ang hindi kakampi sa kanila ay ituturing na kaaway na dapat patayin.  Inatasan ni Simoun si Basilio na itakas si Maria Clara mula sa kumbento ni Sta. Clara habang nagkakagulo ang buong lungsod.

Sinabi ni Basilio na huli na, dahil sa nagpakamatay na si Maria Clara.  Naroon siya sa kumbento upang makibalita kaya niya nabatid.  Nang bumalik siya ay nakita niya ang liham na padala ni Padre Salvi kay Padre Irene na siyang nagpabasa niyon kay Kapitan Tiyago na nagpanangis nang mabatid na patay na si Maria Clara.

Litong-lito na patakbong nanaog ng bahay si Simoun.  Nawala sa pag-aaral ang isip ni Basilio.  Ang naglaro sa isip ay ang kahabag-habag na buhay nina Ibarra at Maria Clara.

Learn this Filipino word:

utang-na-loób