Ang Bugtong, Bow! - Page 2 of 2
ni Joel Bautista Labos
(Ang Interpretasyon)
Solo III:Hita o paa,/ binti o braso pa//
Kanyang pinapapak/ basta't trip niya//
(Lalapatan ng angkop na kilos ang linya.)
Lahat: Eeeeee!
Solo III: Dugo'y sinisipsip,/ daig pa si Dracula//
Ngunit pag hinampas,/ pisa't durog ang kawawa!//
Lahat: Ang sagot diyan ay...// eeeng...
(Ikinikilos ang kamay na parang lumilipad na lamok.)
Lamok!!! (pak)
Solo III: Tama!
Solo IV: (madiin) Tik tak tik tak
(Mula sa koro, lalabas na pailing-iling ang ulo.)
Lahat: Tik tak tik tak
(Pailing-iling din ang ulo gaya ng Solo IV.)
Solo IV: Pumapatak-patak//
Sa bubungan ng bahay,/ mabining bumabagsak//
Dinadalangin ng mga magsasaka sa bukid//
Pinakikinabangan/ ang hatid nitong tubig.///
(Iaangkop ang kilos sa kaisipang pinahihiwatig.)
Lahat: Ulan.../ ulan ang sagot diyan!//
Solo IV: Aprub!
Solo V: O heto ang bugtong ko,/ handa na ba kayo?//
Lahat: Oo,/ handa na kami!//
Solo V: Isang posteng mahaba,/ mabilog ang dulo//
Tinitikman ko,/ dinidilaan ninyo//
Masarap,/ matamis,/ mga bata'y naaakit/
‘Pag sobra ang kain,/ ngipin ninyo'y sasakit.//
(Boses-bata. May pagka-OA ang dating.)
Lahat: (Pakwela) Ang sagot diyan ay... lollipop,
Lollipop na masarap!//
Yehey!
Solo VI: Kung nakasara/ siya'y isang kawayan,//
Isang kabute naman pag binubuksan//
Ginagamit siya kahit saan,/ kahit kailan//
Panangga mo sa init,/ maging sa ulan.//
(Iaangkop ang kilos sa diwang nais ipahiwatig ng linya.)
Lahat: Payong! Payong! Pakisukob naman, o!
Lahat: (Mlks) Bugtungan ngayo'y inyong nasaksihan//
Nawa kayo'y nasiyahan, problema ay pinagaan//
Mahalaga itong bugtong,// dapat nating alagaan//
Ito'y sagisag ng lahi...// bahagi ng kalinangan!///
Ang bugtong,// bow!//
(Nakangiti. Ilalahad ang dalawang kamay pagbigkas ng salitang "nasaksihan." Lilingon sa kaliwa pagbigkas ng "mahalaga" at sa kanan naman pagbigkas ng "ito'y sagisag..." Yuyuko ng "bow.")
See also the Mga Bugtong (Riddles), a selection of well-known Philippine riddles.