Si Atlas
Inilipad si Persiyus ng kanyang mga sandalyas na may pakpak. Nainip siya sa kanyang pagbabalik. Ibig niyang marating agad ang palasyo ni Polidiktis upang maihandog sa hari ang ulo ni Medusa. Ibig din niyang matiyak kung ligtas sa kapangyarihan ng hari ang kanyang ina. Ngunit may ibig pang ipagawa sa kanya ang mga diyos. Binigyan siya ng mga sagabal. Pinaihip nang malakas ang hangin at ibinuhos ang ulan. Ano man ang gawin niya’y lagi siyang napapabalik sa kanyang napagdaraanan. Napagod na siya. Akala niya’y hindi na siya makababalik sa kaharian ni Polidiktis.
Naisip niya ang sinabi ni Hermes na kalian man ay hindi siya maliligaw kung suot niya ang mga sandalyas na may pakpak. Muling lumakas ang kanyang loob. Itinaboy siya ng hangin sa matataas na bundok. Sa mga bundok na yao’y nakita niya si Atlas, isang malaking higante na pinarurusahan ng mga diyos.
Minsan ay binalak ni Atlas na agawin ang trono ni Seus. Dahil dito ay pinarusahan siya. Ipinapasan sa kanya ang daigdig.
Hirap na hirap na si Atlas. Mabigat ang kanyang pasan at ibig na niyang ibaba ito. Maputla na ang kanyang mukha at masakit na ang kanyang mga balikat. Nang makita niya si Persiyus ay naisip niyang matatapos na rin ang kanyang hirap.
Madali ka, Persiyus,
ang sabi ni Atlas. Ipakita mo sa akin ang mukha ni Medusa upang hindi ko na maramdaman ang bigat ng daigdig na aking pinapasan.
Naawa si Persiyus. Dali-dali niyang hinugot sa supot ang ulo ni Medusa at ipinakita kay Atlas. Biglang naging bato si Atlas. Siya ay naging malaking bundok na batong kung tawagin ay bundok Atlas.
Si Persiyus ay dinala ng kanyang mga sandalyas sa isang ulila at malungkot na lupain. Sa lupaing ito naninirahan si Reyna Kasopiya kasama ang anak niyang si Andromeda.
Maganda si Kasopiya, ngunit ipinagmamalaki niya ang kanyang kagandahan. Sa halip na pasalamatan ang mga diyos ay naghambog siya at sinabing higit na maganda siya kaysa mga nimpa sa dagat. Nagalit ang mga nimpa kaya ipinadala nila sa kaharian ng reyna ang isang malaking dragon na kumain sa maraming tao at sumira ng mga tahanan.
Sumangguni ang mga tao sa orakulo sa templo.
Ang dragon ay ipinadala ng mga nimpa sa kaharian ni Kasopiya upang siya’y parusahan,
ang sagot ng orakulo sa templo. Sabihin ninyo sa kanyang ibigay sa dragon si Andromada upang masiyahan ang mga nimpa at pabalikin ang dragon sa dagat.