Sa Lanao at Kotabato

(Alamat / Legend)

Kapag may paglalaho o eklipse, ang mga tao sa Lanaw at Kotabato ay nangasisigawan.  Hinahampas nila ang mga lata at bakal upang magkaingayan.  Ito’y upang mawala raw agad ang eklipse.

Ayon sa kanilang alamat, noon daw kauna-unahang panahon, ang buwan ay nilunok ng isang napakalaking ibong kung tawagin ay minokawa.  Nang marinig ang sigawan ng mga tao ang minokawa ay sumilip sa pagitan ng mga ulap at binuksan ang tuka.  Sa pagbubukas niya ng tuka, ang buwan ay nakatanaw.  Sa kalakihan ng minokawa, ang daigdig ay nangagdilim kapag nagdaraan siya sa palipad.  Ang kanyang mga tuka at kuko, at tahid ay pawang mga bakal.  Ang kanyang mga mata ay parang salaming nagkikislapan.  Ang kanyang bagwis ay malaking barong (espada) na napakatalas.  Binabantayan ng minokawa ang pagsikat ng araw upang iyon ay isunod niyang lunukin.  Subalit siya ay bigo at nawalan ng pag-asa kaya’t siya ay lumisan sa Lanaw at Kotabato.  Naniniwala ang mga tao na kapag bumalik si minokawa ay tiyak na isusunod niya ang araw at pagkatapos ay ang daigdig.

Sanggunian: Rivera,
Crisanto C. Panitikang Pambata.  Manila: Rex Bookstore, 1982, p. 122.

Learn this Filipino word:

mabigát ang kamáy