Saan Nagmula ang Lawa ng Sampalok?
(Alamat / Legend)
Ang Lunsod ng San Pablo ay kilala sa pagkakaroon ng maraming lawa o katawan ng tubig sa mga burol at bundok. Dahil dito tinawag itong Lunsod ng Pitong Lawa. Isa sa pinakamaganda at pinakamalawak na lawa sa Lunsod ng San Pablo ay ang Lawa ng Sampalok.
Ayon sa matatanda, dati raw maganda't malawak na halamanan ang Lawa ng Sampalok na nasa lunsod ng San Pablo. Sa gitna ng halamanang ito ay may isang magarang bahay at sa tabi nito ay may malaking puno ng sampalok. Balita saan mang dako na ubod ng tamis ang bunga ng puno ng sampalok. Ngunit napakadamot nila kaya nilalayuan sila ng mga ito.
Minsan, may isang matandang pulubi na nagsadya sa magandang bahay upang makiusap ng sampalok na makagagamot sa kanyang ubo. Kumatok siya sa pintuan ng magarang tahanan. Nabuksan ang pintuan ng magarang tahanan ngunit nang makita ng mag-asawa ang pawis-pawisang pulubi ay hindi nila pinatuloy ang kaawa-awang matanda.
Kinabukasan, nagbalik ang matandang pulubi sa magarang tahanan. Nang mabuksang muli ang pintuan ng magarang tahanan ay naroroon na naman ang matandang pulubi. Paulit-ulit na nakiusap ang matanda ng bunga ng sampalok sa mag-asawa na makakagamot sa kanyang sakit. Nagalit ang mag-asawa. Sinigawan at pinalayas nila ang matanda.
Biglang nawala ang matanda! At sa isang iglap nagdilim ang langit. Lumindol at bumuka ang lupa. Lumubog ang halaman na kasama ang magarang bahay at ang mag-asawa. At bumukal dito ang tubig. Patuloy ang pagbukal ng tubig hanggang sa mapuno ang buong halamanan. At magmula na noon nanatili ang malawak na katawan ng tubig sa dating halamanan ng masungit na mag-asawa. Kumalat ang balita sa buong pamayanan ng dahilan ng pagkakaroon ng lawa sa dating halamanan ng mag-asawa. Tinawag ito ng mga tagaroon na Lawa ng Sampalok.