Kung bakit pulo-pulo ang Pilipinas

(Alamat / Legend)

Ayon sa mga matatanda, isang mahabang kapuluan ang Pilipinas noong unang panahon.  Narito ang kanyang kuwento na nagpapaliwanag kung bakit naging pulo-pulo ang ating bansa.

Sadyang mayaman at sagana noon ang ating kapuluan.  Mag-asawang higante lamang ang nakatira rito.  Hindi sila nagtatanim.  Hindi sila nagluluto.  Kinukuha na lamang nila sa paligid ang kanilang pagkain.

Isang umagang maganda ang panahon, nagkasundo ang mag-asawa na kabibe ang kainin sa tanghalian.  Masayang lumusong sa dagat ang mag-asawa.

Maliliit na kabibe ang kanilang napulot sa mababaw na bahagi ng dagat.  Hindi nasiyahan ang lalaking higante.  Kaya dumako siya sa malalim na bahagi ng dagat.  Kaagad siyang nakakita ng isang malaking kabibe.  Binuksan niya ito.  Ano ang kanyang nakita?  Isang maliit, makintab, bilog at kaakit-akit na bagay!  Isang perlas!  Patakbo niyang ipinakita ang kanyang natuklasang perlas sa asawa.  Nagpatuloy nang pangunguha ng kabibe ang mag-asawa.  Hindi nagtagal at nakaipon sila ng maraming kabibe.  Umahon sila sa dalampasigan at binuksan ang mga ito.  Kinuha nila ang mga perlas.  Pagkatapos, kumuha ang lalaking higante ng balat ng kahoy at binalot ang mga perlas.  At umuwi na ang mag-asawa.

Sa daan pa lamang ay hindi na magkasundo ang mag-asawang hiagnte sa paghahati ng kayamanan nilang dala.

Pagdating ng bahay, nagsimula na silang mag-away.  Ibig ko'y marami ang kabahagi kong perlas, wika ng lalaking gigante.  Ako ang unang nakakita nito!

Ako naman ang nakakuha nang higit na maraming kabibe!  wika ng babae.  Kaya, dapat na marami ang aking kaparti.

Hindi maaari!, wika ng lalaki.  Dapat na marami ang mapasa akin.

Hindi magkasundo sa pagbabahagi ng perlas ang dalawa kaya't nagsigawan sila.  Sinundan ito ng pagpupukulan ng bato at putik.  Ipinadyak pa nila ang kanilang mga paa sa tindi ng galit sa isa't isa.  Yumanig ang lupa!  Gumuho ang bundok at mga burol.

Lalong tumindi ang pag-aaway ng dalawa at sa isang iglap bumuka at nahati-hati ang lupa!  At nahati-hati rin ang dating buong kapuluan.  Ang malaking bahagi ay nasadsad sa Hilaga at ito ngayon ang tinawag na Luzon.  Ang kabiyak na bahagi ay napasadsad naman sa Timog at ito ngayon ang tinatawag na Mindanao.  Ang dakut-dakot na lupa ay siyang naging mga pulo sa Bisaya.  Magmula na noon, naging pulupulo na ang Pilipinas.

Learn this Filipino word:

pinitpít na luya