Ang Pinagmulan ng Sansinukob at Lahi
(Alamat / Legend)
Noon daw kauna-unahang panahon ay walang anumang bagay sa daigdig kundi langit at dagat lamang. Ang bathala ng langit ay si Kaptan. Ang bathala ng dagat ay si Magwayen.
Si Kaptan ay may isang anak na lalake- si Lihangin. Si Magwayen naman ay may isang anak na babae- si Lidagat. Pinagpakasal ng dalawang bathala ang kanilang mga anak at sila’y nagkaanak naman ng apat na lalake- sina Likalibutan, Ladlaw, Libulan, at Lisuga.
Nang lumaki ang mga bata, si Likalibutan ay naghangad na maging hari na sansinukob at ito’y ipinagtapat niya kina Ladlaw at Libulan. Wala pa noon si Lisuga. Sapagkat takot noon sina Ladlaw at Libulan kay Likalibutan ay sumama sila rito sa sapilitang pagbubukas ng pinto ng langit. Galit na galit si Kaptan. Inalpasan ni Kaptan ang mga kulog upang ihampas sa mga manghihimagsik. Nang tamaan ng kidlat, naging bilog na parang bola sina Libulan at Ladlaw, ngunit ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurog- durog at nangalat sa karagatan.
Nang magbalik si Lisuga ay hinanap niya ang kanyang mga kapatid. Nagpunta siya sa langit. Pagkakita sa kanya ni Kaptan ay pinatamaan siya agad ng isang kulog. Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagpak sa ibabaw ng mga pirapirasong katawan ni Likalibutan.
Tinawag ni Kaptan si Magwayen at sinisi sa pagkapanghimasok ng mga anak, ngunit sinabi ni Magwayen na hindi niya alam ang nangyari pagkat siya’y natutulog. Nang humupa ang galit ni Kaptan, sila ni Magwayen ay nagiliw sa apat na apo. Kaya, pagkaraan ng di matagal na panahon ay binuhay uli ni Kaptan ang mga pinarusahan. Si Ladlaw ay ginawang adlaw [araw], si Libulan ay naging bulan [buwan]. Si Likalibutan ay tinubuan ng mga halaman at naging sanlibutan. Ang kalahati ng katawan ni Lisuga ay naging silalak (lalake) at ang kalahati naman ay naging sibabay (babae), ang unang lalaki at babae ng daigdig.