Ang Alamat ni Bernardo Carpio

Nang ang Pilipinas ay sakop pa ng mga Kastila ay may mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal.  Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at maka-Diyos.  Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak.  Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalo na sa tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit.  Ang mga bata sa kanilang pook ay inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak.  Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki.  Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.  Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang Kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng Kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol, siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang.  Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya.  Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang lakas ni Bernardo.  Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro.  At kapag isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait, matulungin, at matatag ang loob.  Minsan sa kanyang pamamasyal sa gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay.  Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang kabayo.  Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan upang mabilis itong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng pambihirang lakas at bilis.  Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo.  Mapagtiis man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan.  Ang mga kalalakihan ay nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino.  Dahil sa kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Learn this Filipino word:

bahay na bató