Ang Alamat ni Mariang Makiling
Sabi sa mga alamat, nagka-panahon nuong nakaraan, ang mga diwata o diyos ay namuhay tulad at kasa-kasama ng mga tao. Kahit na sila ay may hiwaga, nagsasalita sila at umiibig, namimili sa talipapa at iba pang karaniwang gawain ng mga tao hanggang ngayon. Ang alamat ni Mariang Makiling ay tungkol sa dalawang ganitong diwata nuong Unang Panahon, sina Gat Panahon at Dayang Makiling, at ang kaisa-isa nilang anak, si Maria.
Maganda at magiliw si Maria, at wiling-wili ang mag-asawang diwata sa anak na itinuring nilang kanilang kayamanan at ligaya sa buhay. Diwata rin tulad ng mga magulang, hindi karaniwan si Maria subalit naki-halubilo siya at nakipag-usap sa mga tao.
Naging ugali niya ang mamasyal sa talipapa kapag araw, naka-damit ng sutla (silk) na may borda (embroidered) ng mga bulaklak, ang uso nuon. Ang makapal niyang buhok, abot hanggang sakong (heel) ang haba, ay may sabit na mga bulaklak ng suha (pomelo). Marikit ang kanyang mga mata kaya pati mga babae ay naakit makiharap sa kanya. Pagdaan niya, yumuyuko ang mga tao sa magalang na pagbati.
Dalawang katulong na Aeta ang lagi niyang kasama pagpunta sa talipapa. Hindi lumalayo ang mga Aeta, bitbit ang isang buslo (basket) ng luya na ipinagpa-palit ni Mariang Makiling - wala pang salapi nuon, at ang bilihan
sa katunayan ay palitan lamang ng mga dala-dalang bagay - sa mga salakot, banig (sleeping mats), at sutla (silk).
Isang araw, nagtungo sa talipapa ng Makiling si Gat Dula, ang panginuon sa nayon ng Bai, upang mamili at mag-aliw. Siksikan ang mga tao duon sapagkat araw ng pamilihan
nuon, at lahat sa nayon ay nasa talipapa. Pati ang mga taga-kalapit baranggay at nayon ay dumayo upang magkalakal din, bitbit ang kanilang mga paninda.
Nanduon din nuon si Mariang Makiling at nagkataon, nakasabay niya si Gat Dula sa pagtawad
sa isang piraso ng balat ng hayop. Kapwa nakaharap sa nagtitinda, nagkadikit ang kanilang mga balikat, at nagkatinginan silang dalawa. Hindi sinasadya, nahipo pa ni Gat Dula ang kamay ni Mariang Makiling sapagkat hawak nilang magka-sabay ang balat ng hayop.
Bilang paumanhin, yumuko si Gat Dula kay Maria na, sa hinhin, ay hindi sumagot at tumingin sa malayo. Nagkakilala sila at pagkaraan ng mahabang pag-uusap, nakangiti nang bahagya si Maria nang maghiwalay sila. Mula nuon, madalas dumalaw si Gat Dula sa bahay nina Gat Panahon at Dayang Makiling, subalit kahit kailan man, hindi na niya nakaharap si Mariang Makiling. Lagi siyang wala sa bahay at tumutulong sa mga tao. Nuon kasi, gawi ng mga tao kapag nagigipit, ay lumalapit sa mga diwata at humihingi ng tulong, at pakay naman ng mga diwata ang tumulong sa mga tao.
Isa pang dahilan na hindi nakita uli ni Gat Dula si Mariang Makiling: Siya ay isang nilalang na tao samantalang si Maria ay isang diwata. Gaano man katalik sila, hindi maaaring mag-ibigan ang dalawang magka-ibang nilalang.