Ang Alamat ng Unang Lalaki at Babae
Maraming kuwento tungkol sa pinagmulan ng unang babae at lalaki. Bawat rehiyon sa bansa ay may sariling kuwento.
Malakas at Maganda
Isang ibong kulay abuhin ang naghahanap ng makakain. Nahila niya ang isang uod na nakasiksik sa isang puno ng kawayan. Tinuka niya nang tinuka ang bahaging ito upang makuha at makain ang uod. Hindi niya tinigilan ang pagtuka hanggang sa mabiyak ito.
Nakatakas ang uod ngunit lumakas ang dalawang nilikha na tinawag na Malakas at Maganda. Si Malakas ay matipuno at guwapong lalaki. Si Maganda ay mahinhin, balingkinitan ang katawan at masipag. Sila ang kauna-unahang babae at lalaki sa lahi ng mga Tagalog.
Mag-asawang Mandayan
Noong unang panahon, nangitlog ng dalawa ang ibong Limokon. Ang isa ay inilagak sa may bukana ng ilog. Ang ikalawa ay inilagak sa may duluhan. Nang mapisa ang mga itlog, lumabas ang unang lalaki at unang lalaki. Dumaan ang panahon ngunit hindi nila nalalaman na nabubuhay ang bawat isa.
Isang araw ay muntik nang malunod ang lalaki dahil napuluputan ng mahabang buhok ang kanyang paa. Hinanap niya kung saan nanggaling ang mahabang buhok at nakita niyang naliligo sa may duluhan ang isang napakagandang babae. Nagpakilala ang lalaki at sila ay nagkaibigan. Sila ang ninuno ng mga Mandayas.
Uvigan at Bugan
Matapos gawin ang daigdig ginawa ni Mak-no-ngao, ang pinakadakilang diyos ng Ifugao ang unang lalaki. Tinawag niya itong Uvigan. Gusto niyang maging maligaya si Uvigan kaya ibinigay niya dito ang buong daigdig. Ngunit malungkot pa rin si Uvigan. Inisip ni Mak-no-ngao na kailangan ni Uvigan ng kasama kung kaya’t ginawa niya si Bugan ang unang babae. Natuwa si Uvigan.
Simula noon ay namuhay nang tahimik at masaya sina Uvigan at Bugan.
Sicalac at Sicavay
Noong unang panahon si Kaptan ay diyos na may kakayahang lumikha. Nagtanim siya ng isang damo. Nang lumaki ang dahon nito ay biglang lumitaw ang isang babae at lalaki. Ang lalaki ay si Sicavay.
Isang araw, hinimok si Sicalac na mapangasawa si Sicavay ngunit tumanggi si Sicavay sapagkat sila ay magkapatid. Tinanong ng dalawa ang hangin, ang mga hayop, ang dagat at humingi ng payo tungkol sa kanilang kagustuhan. Pumayag ang lahat at sinabing maaari silang maging mag-asawa upang dumami ang tao sa mundo.
At naging mag-asawa nga sina Sicalac at Sicavay kung kaya’t lalong dumami ang tao sa mundo.