Ang Alamat ng Sampaguita - Page 2 of 2

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan.  Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samantalang ang kanyang ama ay bihasa na sa pakikipaglaban sapul pagkabata.  Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala.  Ibig niyang makausap si Delfin upang himuking iurong na ang digmaan at mapayapang makipag-usap na lamang.  Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa.  Kinabukasan ay lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo.  Maraming nalagas sa magkabilang panig.  Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa.  Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa hangganan ng bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanang ang buwan at magkikita sila ni Rosita, kasama ang mga abay nito.

Nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati.  Nagpatawag ng magagaling na manggagamot ang datung ama nito, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga.  Unti-unti itong pinanawan ng lakas.  Nang sa palagay ni Rosita ay hindi na siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon na lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin.  Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon.  Nawala na ang mga barangay at dumating ang mga Kastila.  Naitatag na ang siyudad ng Maynila.  At buhat noo’y marami na ang tao sa Balintawak at sa Gagalangin.  Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naligalig sa isang mahiwagang bagay.  Kung buwan daw ng Mayo, lalo na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalawang nayong naturan.  Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman.  Sumpa kita!  Sumpa kita! ang winiwika raw ng tinig.  Ngunit ang mga tao, ay wala naming nakikita.  Napansin nila na ang tinig ay nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan, maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira.  Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit.  Hindi naman sila gaanong naghirap.  Ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno na mababango ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay.  Ngayo’y nanariwa sa alaala ng mga matatanda ang kaysaysayan nina Delfin at si Rosita.

Ang kuwento’y nagpasalin-salin sa maraming bibig, at ang Sumpa kita! na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga namamatyag ay naging Sampaguita, na siyang pinangalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumubo sa puntod ng magsing-irog.

Sanggunian: Aguinaldo,
MM. Alamat : Kuwentong Bayan ng Pilipinas. Quezon City: MMA Publications,
2003, pp. 9-13.

Learn this Filipino word:

sapín ng baúl