Ang Alamat ng Sampalok
Noong unang panahon ay may isang matandang babae na naninirahan sa tabi ng ilog. Wala siyang ginagawa kundi ang maglinis ng kanyang bakuran at diligin ang kanyang mga pananim.
Isang araw, may nanghingi ng kanyang ilang pananim. Ang matanda ay nagalit at pinalayas ang bata.
Madamot ang matanda tuwing may pupunta sa kanyang tahanan upang humingi ng tulong, agad niyang pinalalayas ang mga ito.
Minsan ay isang diwata ang nagpanggap na isang babaeng madungis. Humingi siya ng makakain. Nagalit ang matanda at pinalayas ang babaeng madungis. Nagalit ang diwata sa ginawa ng madamot na matanda.
Dahil sa iyong pagiging labis na madamot, kahit na marami ka namang pananim na maaring ibahagi sa iyong kapwa, ikaw ay aking paparusahan.
Sa ilang saglit ang matandang babae ay naglaho at ang lugar na dating kinatitirikan ng kanyang bahay ay naging lawa.
Sa katagalan ng panahon ang lawa ay natuyo at may tumubong isang puno. Ang lahat ng taong napapadaan sa nasabing puno’y napapahinto dahil sa dami ng bungang nakasabit sa mga sanga. Ngunit natatakot silang pumitas dahil hindi nila alam kung maaring kainin ito.
Isang binata ang napadaan at tinangkang kumain ng bunga ng puno. Itinapon nito agad ang nasabing bunga pagkatikim dahil sa sobrang asim. Nasabi ng binata na ang bunga ay katulad ng matandang madamot na dating nakatira sa lugar na iyon. Punung-puno ng bunga ang puno, ngunit sobrang asim naman ng laman.
Sanggunian: Aguinaldo, MM. Alamat : Kuwentong
Bayan ng Pilipinas. Quezon City: MMA Publications, 2003, pp. 31-32.