Ang Alamat ng Pinya
Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak na si Pina. Inaalagaan niya itong mabuti at hindi niya pinagagawa sa bahay upang hindi mapagod. Masaya na siyang nagsisilbi sa anak at gumawa ng lahat ng trabaho sa bahay. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil sa kagagawan ni Aling Rosa. Gustuhin man niyang turuan itong gumawa sa bahay at magbago ng ugali ay hindi na niya magawa. Ayaw nang baguhin ni Pina ang kanyang nakasanayang masarap na buhay. Kung kaya’t napilitan si Aling Rosa na kahit na matanda na ay siya pa rin ang nagtatrabaho at gumawa ng lahat ng gawain sa bahay.
Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Mahinang-mahina siya at hindi na makabangon sa higaan. Nagmakaawa siya sa anak na magluto ng pagkain upang hindi sila magutom na mag-ina.
Masama man ang loob ay pumayag si Pina na magluto at gumawa ng iba pa. Ngunit pamali-mali dahil hindi siya sanay magtrabaho.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa at nagsawa si Pina sa paggawa at pagsunod sa utos ng ina. Madalas na silang magkagalit. Laging masama ang loob ni Pina habang gumagawa ng trabaho sa bahay.
Isang araw ay magluluto na naman si Pina. Hindi siya makapagsimula dahil hindi niya makita ang sandok. Hinanap niya itong mabuti sa loob ng bahay ngunit di pa rin niya makita. Nagreklamo na siya sa kanyang ina. Inutusan siya ng ina na bumaba ng bahay at doon hanapin dahil baka nahulog sa lupa.
Nagkakagalit na ang mag-ina dahil sa paghahanap ng nawawalang sandok, hanggang sa nasambit ni Aling Rosa ang: Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong hinahanap!
Ilang oras na ang nagdaan ay hindi pa umaakyat si Pina sa bahay. Lumipas na ang gutom ni Aling Rosa ay wala pa rin si Pina. Gabi na wala pa rin si Pina. Nag-alala na si Aling rosa sa hindi pagbalik ni Pina. Nagtanong siya sa kanilang mga kapitbahay ngunit walang nakakita kay Pina. Hinanap niya itong muli sa buong kabahayan at sa buong bakuran. Hindi na niya nakita si Pina.
Isang araw, sa isang sulok ng kanilang bakuran ay nakita niya ang isang halaman na ang bunga ay tulad ng isang ulo na maraming mata. Naalaala ni Aling Rosa ang sinabi sa kanyang anak: Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong hinahanap!
Napaiyak si Aling Rosa at iniisip na ang halamang tumubo sa kanyang bakuran ay ang kanyang anak na si Pina.
Inalagaan niya ang halaman at simula noon ay tinawag niya itong Pinya.
Sanggunian: Aguinaldo,
MM. Alamat : Kuwentong Bayan ng Pilipinas. Quezon City: MMA Publications,
2003, pp. 23-24.