Ang Alamat ng Pilipinas - Page 2 of 2
Walang sagot! Hinanap niya sa paligid. Wala roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit na pulo. Ni anino, wala.
Baka kaya may pumuntang ibang tao at dinala silang pilit?
sabi ng higante sa sarili.
Biglang umalon ulit nang malakas at dumagundong. Napalingon ang ama. At nabuo sa isip niya na baka nalunod ang tatlo. Dumako pa siya sa malayo. At hindi nagkamali ang ama. Nakita niya ang labi ng ilang piraso ng damit na nakasabit sa isang bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niyang bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Ni hindi sila natutong lumangoy. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas. Nawalan siya ng lakas.
Mga anak! Ano pa? Wala na!
himutok ng ama. Nawalan na ng ganang kumain. Tumayo. Umupo. Tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.
Nang magising ang higante kinusot ang mata. May nakita siyang wala doon dati. Tumayong bigla at tiningnang mabuti.
Ano ito? saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito?
tanong sa sarili. Lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.
Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Bisaya at Minda ito!
ang sabi niyang malakas.
At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang Pilipinas. Nasa gawing timog sa Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.
Araling Moral: Gampanan ang tungkulin sa kapatid. Sumunod sa nakatatanda o magulang. Ito ang hinihingi ng kalakaran sa lipunan.
Sanggunian: Reyes, Lucia M. and Cortez, Lilia R. Ang Alamat ng Pilipinas. Manila: Integrated Publishing House, 1989.