Ang Alamat ng Palendag

Ang palendag ay isang instrumentong pang-musika ng mga Magindanaw.  Ito’y galing sa salitang Magindanaw na lendag, na nangangahulugang paghikbi.  Gawa ito sa isang uri ng kawayang tinatawag na bakayawan ang mga katutubo.  Ito’y may habang dalawa hanggang tatlong talampakan, may tigdadalawang butas sa magkabilang gilid na isang pulgada ang pagitan.  Tinutugtog ito na gaya ng plauta.

Karaniwang tinutugtog ito ng isang nabigong mangingibig upang aliwin ang sarili.  Nabibigyang-kahulugan ng isang mahusay na tumugtog sa palendag ang iba’t ibang damdamin at nakalilikha ng isang maganda at makaantig- damdaming musika.

Ayon sa alamat, may isang binatang umibig sa pinakamagandang dalaga sa pook.  Nagkakaisa ang kanilang damdamin, ngunit dahil sa ipinagbabawal ng tradisyong Magindanaw ang pagliligawan, ang kanilang pagmamahalan ay nanatiling lihim.  Lihim man ang pag-iibigan, waring walang hanggan ito.

Isang araw, tinawag ng datu ang binata.  Bilang isang kawal ng sultan, binigyan siya ng misyon sa isang malayong lugar.  Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nagkita ang dalawa bago makaalis ang binata.  Nalungkot ang dalaga sa nalamang misyon ng lalaki.  Inaliw siyang aalalahanin at uuwi agad pagkatapos ng misyon.  Ipinangako rin niyang susulat nang madalas.

Sa unang ilang linggo, panay ang dating ng sulat na punung-puno ng pagmamahal at pag-aalaala.  Pagkatapos ng ilang buwan, dumalang ang dating ng sulat hanggang sa ito’y tuluyang nawala.

Isang araw, nabalitaan niya sa isang pinsan ang nakalulungkot na balitang ang binata ay ikinasal sa ibang babae, sa lugar ng kanyang misyon.

Lubhang nasaktan ang dalagang manghahabi.  Upang maitago ang kalungkutan sa mga magulang, maraming oras ang ginugugol niya sa kanyang habihan.  Parati siyang umiiyak nang tahimik.  Ang kanyang luha’y laging pumapatak sa kapirasong kawayang ginagamit sa paghabi.  Nagkabutas ang kawayan dahil sa laging pagpatak dito ng luha ng dalaga.  Isang araw, sa di sinasadyang pagkakataon, nahipan niya ito at lumabas ang isang matamis at malungkot na tunog.  Mula noon, inaliw niya ang sarili sa pagtugtog ng palendag, ang pangalang ibinigay sa kakaibang instrumentong pangmusika.

(Salin ni Elvira B. Estravo)

Learn this Filipino word:

ináalon ang dibdib