Ang Alamat ng Makopa
Noong araw ang mga tao ay mababait at masunurin. Sila ay masipag at madasalin. Namumuhay sila nang tahimik at maligaya sa isang nayon.
Relihiyoso ang mga taga-nayon. Sa kanilang simbahan ay may isang gintong kampana na nagsisilbing inspirasyon sa lahat. Napakasagrado at iniingatan ng mga mamamayan. Ang kampana ay kanilang inspirasyon upang magsikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Nabalitaan ng mga masasamang loob sa malayong pook ang tungkol sa gintong kampana. Hinangad nila itong magkaroon din ng masaganang buhay. Lihim nilang pinag-isipan kung paano nanakawin ang kampana.
Sa kabutihang palad ay nabalitaan ng mga pari ang balak ng mga masasamang loob. Ibinaba nila ang kampana at ibinaon ito sa bakuran ng simbahan. Nangako sila na ipagtatanggol nila ang kampana kahit na sila ay mamatay.
Galit na galit ang mga masasamang loob nang dumating sa simbahan. Hinanap nilang mabuti ang kampana ngunit hindi makita. Sa galit ng mga masasamang loob ay pinatay ang lahat ng tao sa loob ng simbahan sapagkat ayaw ituro ang pinagtaguan ng kampana.
Anong lungkot ng buong nayon nang malaman ang nangyari. Patay na ang pari, mga sakristan at ilang katulong sa simbahan.
Inilibing ng taong bayan ang bangkay ng mga nasawi at pinarangalan ang mga ito. Mula noon ang taginting ng kampana ay hindi na narinig sa nayon. Ang mga tao ay nawalan na rin ng ganang maghanap-buhay, nawalan ng sigla at pag-asa.
Isang araw ay nagulat na lamang ang taong bayan nang makita ang isang puno na tumubo at mabilis na lumaki sa bakuran ng simbahan. Nagbunga ito ng marami na hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan ang mga bunga ay sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.
Simula noon, ang puno ay nakilala sa tawag na Makopa.
Sanggunian: Aguinaldo,
MM. Alamat : Kuwentong Bayan ng Pilipinas. Quezon City: MMA Publications,
2003, pp. 27-29.