Ang Alamat ng Lansones

Noong araw sa bayan ng Paete, Laguna ang mga tao ay hindi lumiliban sa pagsisimba.  Ang mag-asawang Edna at Manuel ay maagang naghanda upang dumalo sa banal na misa.

Lubos na nagmamahalan ang mag-asawa at sa tuwina ay ipinagdarasal nila ang pagmamahalang ito upang lalo pang yumabong.  Mahal na mahal ni Manuel ang asawa lalo pa dahil dinadala nito ang binhi ng kanilang pag-iibigan.

Naglalakad sila pauwi galing sa simbahan nang mapansin ni Edna sa gilid ng daan ang puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga.  Niyaya niya ang asawa at buong takam na tinanaw-tanaw ang mga bunga.  Nang hindi na makatiis ay nagmakaawa ito na ikuha siya ng ilang butil ng bunga.  Tumanggi si Manuel sapagkat alam niyang lason ang bungang iyon at tiyak niyang agad mamamatay ang asawa kapag kumain nito.  Nangako na lamang si Manuel na ipipitas niya si Edna ng manggang manibalang sa kanilang duluhan.  Naglilihi si Edna at iyon ang kanilang unang anak, kung kaya’t lalo pang maselan ang kalagayan nito.  Walang imikang umuwi ng bahay ang mag-asawa.

Pagdating ng bahay ay nagbago si Edna.  Hindi na siya ang masigla at masayang asawa ni Manuel.  Ni hindi pinansin ang manggang manibalang na pinitas para sa kanya.  At lahat ng pagkaing ialok ay tinatanggihan.

Hindi na kumakain si Edna.  Hindi na din kumikilos sa bahay.  Lagi na lamang itong nakahiga at ni ayaw magsalita.  Nabahala na ng labis si Manuel.  Lahat na nang pang-aalo at paglalambing ay kanyang ginawa ngunit ayaw siyang pansinin ni Edna.  Habag na habag si Manuel sa asawa.  Ang payat na payat na nito dahil sa di pagkain.  Wala na ang mamulamula nitong pisngi at mga labi, ang mga bilugang braso, binti at balakang.  Tila isa itong papel na nakalatag sa kanyang higaan.  Mistulang larawan ng kamatayan ang kanyang asawa.

Nilukob ng matinding awa si Manuel sa asawa at naipasya niyang ipagkaloob na ang hinihiling nito.  Kung mamatay din lang ang asawa mas gusto na niyang mamatay ito nang masaya.

Nagpunta siya sa puno ng lansones.  Nanginginig ang mga daliri habang pinipitas ang mga bunga at nagdasal.  Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya ay mawala pa sa aking piling.  Sunod-sunod ang patak ng luha sa kanyang mukha sapagkat alam niya na ang bunga ng lansones ang magwawakas sa nalalabi pang buhay ng kanyang asawa.

Ganoon na lamang ang gulat n Manuel nang tumambad sa kanyang harapan ang isang magandang babae na bumubusilak sa kaputian at inutusan siyang kainin ang lansones.  Nakita ng babae ang pag-aalinlangan ni Manuel.  Sige, anak, kainin mo ang bungang iyong hawak.  Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak.

Learn this Filipino word:

natunaw na parang asín