Ang Alamat ng Lawa ng Bulusan
Maganda at kahanga-hanga ang Lawa ng Bulusan. Ito ay nasa tuktok ng bundok at napaliligiran ng malalagong punung-kahoy. Malinaw at malalim ang Lawa ng Bulusan. Isa ito sa mga magaganda at kilalang pook sa Kabikulan kaya ito ay ipinagdarayo ng mga turista taon-taon.
Saan nagmula ang Lawa ng Bulusan? Ganito ang kuwento ng matatanda sa nagpapaliwanag ng pinagmulan ng maganda at kahanga-hangang lawa sa tuktok ng bundok.
Noong unang panahon, si Datu Bulan ay kilalang-kilala sa buong Kabikulan dahil sa kaayusan niyang gumamit ng busog at pana. Nakilala rin siya bilang mabuting puno ng kanyang nasasakupan. Matagal ding panahong naging masagana, mapayapa at maligaya ang mga katutubong nasasakupan ng datu hanggang sa dumating isang araw ang isang malaki at maitim na ibon sa kanilang pamayanan. Mula na noon nangamba ang mga tao sapagkat tuwinang umaga ay nakikita nila ang kakaibang ibon na umaaligid sa kanilang pamayanan.
Nagkaroon ng takot ang mga katutubo nang mapansin nilang nagiging mababa ang lipad ng maitim at malaking ibon. Inisip nilang baka na lamang dagitin ng malaking ibon ang maliliit na mga bata na di mapigil sa paglalaro sa kani-kanilang mga bakuran.
Dahil sa ganitong pangyayari, tinawag ni Datu Bulan ang kanyang matatandang tagapayo at sila ay nagpulong. Napagkaisahan nila sa kanilang kapulungan na patayin ang ibon. Noon din ay tinawag ni Datu Bulan ang lima sa pinakamahusay niyang kawal sa paggamit ng busog. Sila ay pinapaghanda ng datu.
Kinabukasan, maagang lumakad ang pangkat patungo sa gubat upang hanapin ang malaki at maitim na ibon. Kaagad nilang nakita ang ibon nakadapo sa sanga ng malaking punungkahoy. Nang makita sila ng ibon ay lumipad ito patungo sa kanila at nagpaikot-ikot sa kanilang ulunan. Sabay-sabay na tinudla ng pana ng mga kasamang kawal ng datu ang ibon. Si Datu Bulan naman ang naghanda ng kanyang busog at pana. Kanya itong pinakawalan at Tsok! Tamang-tama sa dibdib ang malaki at maitim na ibon. Ngunit nagpatuloy nang paglipad ang sugatang ibon hanggang sa makarating ito sa maliit na lawa. Naging kulay pula ang tubig ng lawa. Nang di na makatagal ang ibon, ito ay bumagsak sa lawa at kitang-kita ng datu at ng kanyang mga kasamang kawal na nawala at sukat ang malaki at maitim na ibon na waring hinigop ng tubis sa lawa. Unti-unting lumaki ang tubig hanggang sa kasalukuyang laki nito ngayon.
Nalaman ng mga katutubo ang kinasapitan ng malaki at maitim na ibon at ang paglaki ng dating maliit na lawa. Mula noon, tinawag ng mga tao ang katawan ng tubig sa tuktok ng bundok na Lawa ng Bulusan. Ang ibig sabihin nito ay tubig na inagusan ng dugo.