Ang Alamat ng Kasoy

Isang araw noon sa loob ng gubat
Mga ibo't hayop, masasayang lahat;
Pati mga puno at halamang gubat
Pawang nagdiriwang, lahat ay may galak.

Sa kabi-kabila ay naghahabulan
Pipit, maya, tikling, loro, at kilyawan;
Waring umaawit damo at halaman
Dahilan sa udyok ng hanging amihan.

Naririnig ito'y hindi nakikita
Ng buto ng kasoy sa loob ng bunga;
At kanyang nasambit ang matinding nasa,
Kasabay ng daing at buntong hininga.

Ako na ang butong pinakamaligaya
Kung makalalabas sa loob ng bunga
Aking maririnig at makikita pa
Mga kagalaka't pagsasaya nila.

Nagkataon namang Diwata'y dumating
At kanyang narinig ang butong hiling
Sa puno'y lumapit, bunga ay pinisil,
Buto nitong kasoy lumabas noon din.

Binigkas ng buto ang pasasalamat
At ang diwata naman tuloy nang lumakad
Ang munting buto ay galak na galak
Ganito pala, aniya, daigdig sa labas.

Natapos ang pista, saya't pagdiriwang
Nabalik sa dati itong kagubatan;
Tahimik nang lahat, puno at halaman,
Mga ibon yata'y nagsipandayuhan.

Sa loob ng gubat, lahat ay tahimik;
Itong munting buto, waring naiinip;
Walang anu-ano, hangin ay umihip
Sama ng panahon sa gubat, sumapit.

Learn this Filipino word:

nákadaóp-palad