Ang Alamat ng Bukal ng Tiwi

Ang Bukal ng Tiwi ay isa sa magaganda at natatanging pook sa Pilipinas. Ito ay may layong higit-kumulang na apatnapung kilometro sa Lunsod ng Legaspi sa Bikol.  Ang Bukal ng Tiwi ay pinagdarayo ng ating kababayang Pilipino at mga dayuhang turista dahil sa mainit na tubig na sinasabing gamot sa iba't-ibang karamdaman.

Noong unang panahon raw, ang Tiwi ay isang magandang nayon.  Bukod dito, nakilala rin ang Tiwi dahil sa magagandang dalaga sa pook na ito.  Nabalitaan raw ito ng anak ng Haring Araw.  At isang araw, sakay sa kanyang karuwahe ay namasyal ang binata sa Tiwi.  Magaganda ang mga dalagang kanyang nakita.  Nabighani kaagad siya sa ganda ni Aila, ang pinakamaganda sa lahat ng dalaga sa Tiwi.  Mabilis na bumalik ang binata kay Haring Araw at ibinalita niya ang napakagandang dalaga na nakita niya.  Sinabi niya sa hari na iniibig niya ang dalaga at ibig niya itong maging asawa.

Malungkot na umiling ang hari at ipinaliwanag sa binata na hindi maaaring mag-asawa ang katulad niya sa mga karaniwang tao.

Nalungkot ang binata sa sagot ng ama kaya hindi na siya namasyal nang sumunod na mga araw.  Ang kanyang karuwahe, kasuotan at mata na nagbibigay liwanag ay hindi na nakita ng mga tao.  Dahil dito nagdilim ang mundo.

Naisip ni Haring Araw na kaawa-awa ang mga tao.  Kinausap niya ang binata upang muling magliwanag ang daigdig.  Pumayag ang binata.  Binalak niyang bumalik sa Tiwi at pakasalan ang magandang si Aila na lingid sa kaalaman ni Haring Araw.

Mabilis na nagbihis ang binata at masiglang sumakay sa kanyang karuwahe.  Dahil dito muling lumiwanag ang paligid.  Kaagad niyang pinuntahan ang Nayon ng Tiwi upang magpahayag ng pag-ibig sa magandang si Aila.  Ngunit nang malapit na siya sa nayon ay sumiklab ang apoy.  Nakita niya na nagtatakbuhan ang mga tao upang iligtas ang kanilang sarili.  At nakita ng binata ang magandang si Aila kaya mabilis siyang bumaba upang iligtas ang dalaga.

Natupok ang buong nayon at ang lahat ng tao roon.  Kinalong ng binata ang natupok na dalaga.  Sa isang iglap ay naging abo ang katawan ng magandang si Aila.  Biglang sumaisip ng binata na sadyang magsisiklab ang anumang bagay na mapapalapit sa kanyang karuwahe at kasuotan, gayundin kung matitigan ng kanyang mga mata.  Naalala rin niya ang paliwanag ng kanyang Amang Araw na hindi maaaring mag-asawa sa karaniwang tao ang katulad nila.  Malunkot na sumakay na muli sa kanyang karuwahe ang binata.  Bumalik siya kay Haring Araw upang ibalita ang masamang bunga ng pag-ibig niya sa isang magandang dalaga.

Sa paglipas ng panahon, nakita ng mga tao ang pagbabagong bihis ng natupok na Nayon ng Tiwi.  May bumukal na tubig sa gitna ng natupok na pook at muling naging lunti ang paligid.  Mula na noon hanggang sa ngayon, pinagdarayo ng mga tao ang bukal ng Tiwi dahil sa mainit na tubig na bumabalong sa bukal na namumuti sa singaw ng init ng araw.

Mensahe:  Magaganda at kahali-halina ang mga dilag sa ating bansa.

Learn this Filipino word:

waláng bahid