Ang Alamat ng Basey
(Alamat ng Visayas)
(bahagi ng “The Beautiful Bungangsakit”)
Dahil sa ipinakitang kalupitan ng mga tulisang-dagat, ang mga naninirahan sa Balud, sa pangunguna ng mga misyonerong Heswita ay nagtungo sa Binongtoan, isa sa kalapit na nayon. Doon ay nagsimula silang bumuo ng panibagong nayon at matatag nakuta na yari sa mga batong adobe. Pinatatag nila ang kanilang nayon. Naglagay sila ng mga pamigil na harang laban sa marahas na pananalakay ng mga tulisang-dagat. Ang mga tagapamuno ng Binongtoan ay sina Ambrocio Makarumpag, Francisco Karanguing, Juan Katindoy at Tomas Makahilig. Sa pagpupulong ng mga tagapamuno na dinaluhan ng mga misyonerong Heswita, sila’y nagkasundo na pangalanan ang lugar na Baysay na may kahulugang ‘maganda’ bilang parangal at sa alaala ng kanilang magandang si Bungangsakit. Samantala, ang mga taga-Omit na nakasalamuha ni Bungangsakit nang kanyang kabataan ay hindi sumama sa pagtatatag ng bayan ng Baysay. Sa halip sila’y nagkaisa at nagtatag ng kanilang sariling barangay na pinangalanang Guibaysayi, na may kahulugang ‘Ang Pinakamaganda’ bilang pagbibigay parangal din sa kagandahan ng kanilang si Bungangsakit.
Ang mga naninirahan sa Baysay ay nagtatag ng pangkat ng mga tagapagtanggol na binubuo ng matatapang na kalalakihan sa kanilang lugar na pinamumunuan ni Katindoy, isang matapang na mandirigma. Batid nilang ang mga tulisang-dagat ay muling babalik kaya’t nagtayo sila ng kuta na yari sa matitigas na bato sa Bungal na matatagpuan sa bukana ng ilog. Sa kutang ito magtitipon ang matatapang na tagapagtanggol ni Katindoy upang planuhin ang kanilang mga gagawing depensa laban sa mga tulisang-dagat atupang mamatyagan ang paparating na mga vinta. Nuong 1832, ang ilang piling lugar sa Bungal ay inihanda para sa pagtatayo ng Simbahang Katoliko ng mga Heswita. Subalit sa kakapusang-palad , ang walo-walo ay dumating at sinalanta ang buong kuta. Ang walo-walo ay walong araw na walang tigil na pag-ulan nang malakas na may kasamang malalakas na hangin. Pagkalipas ng ilang araw, dumaan pa ang napakalakas at nagngangalit na bagyo sa lugar na kumitil sa napakaraming buhay at sumira ng napakaraming ari-arian.
Sapagkat walang matirahan at sinalanta ng bagyo, ang mga natirang buhay na naninirahan sa Baysay ay ay nagpasyang muling kumilos upang humanap ng lugar na may mga burol na magsisilbing pananggalang sa malalakas na hangin. Napili nila ang kasalukuyang kilalalagyan ng bayan ng Baysay. Malapit sa lugar na ito ay matatagpuan ang mga burol na isa sa mga ito ay tinayuan ng mga katutubo ng mataas na tore. Mula sa tore ay matatanaw ang paparating na mga vinta at ang mga burol ay maaaring mapaglikasan sa mga panahon ng pagbaha at kublihan kapag may malalakas na bagyo.
(Salin ni Reynaldo S. Reyes mula sa The Legends ni Damiana L. Eugenio, UP Press)