Si Amomongo at si Iput-Iput - Page 2 of 2

“Ang Gorilya at ang Alitaptap”

(Pabula ng Visayas)

Dumating ang araw ng Linggo.  Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila.  Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal.  Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila.  Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya.  Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay.  Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito.  Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito.  Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya.  Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito.  Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya.  Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad.  Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito.  Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit.  Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin.  Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga alitaptap.

Ang pabulang ito ay isa lamang sa kalipunan ng mga Bisaya na naglalarawan ng paglalaban sa pagitan ng maliliit na insekto at malalaking hayop. Huwag maliitin ang maliliit dahil may magagawa silang di magagawa ng malalaki.

See also the English version (Amomongo and Iput-Iput [The Ape and the Firefly]) of this Philippine fable.

Learn this Filipino word:

lakí sa lansangan