Si Alitaptap at si Paruparo
(Pabula / Fable)
May isang Paruparo na pinaglaruan ng isang batang lalaki. Iniwan niya itong nakabaligtad at kakawag-kawag sa lupa.
Paruparo : Saklolo! Tulungan ninyo ako!
(Dumaan si Langgam at narinig ang sigaw ni Paruparo)
Langgam : Gusto kitang tulungan, ngunit nagmamadali ako. Maganda ang sikat ng araw at maghahanap pa ako ng pagkain.
(Umalis si Langgam at iniwan ang kaawaawang Paruparo)
Paruparo : Saklolo! Maawa kayo sa akin. Tulungan ninyo ako.
(Dumating si Gagamba. Lumapit siya kay Paru-paro)
Gagamba : Gusto kitang tulungan ngunit pagagandahin ko pa ang aking bahay. Mangunguha pa ako ng sapot.
(At umalis si Gagamba)
Paruparo : O Bathala! Tulungan po ninyo ako. Didilim na at magsisitulog na ang kasama kong kulisap. Wala nang sa akin ay makakakita.
(Pagod at gutom na si Paruparo. Napaiyak siya. Nang pahiran niya ang kanyang luha ay may napansin siyang papalapit na pakislap-kislap na liwanag)
Alitaptap : Naku, bakit ka nandiyan? Napaano ka at kawag ka nang kawag?
Paru-paro : Sa aking paghahanap ng nektar sa mga bulaklak ay hinuli ako ng isang batang lalaki. Pinaglaruan niya ako at iniwan niya akong nakabaligtad dito. Hindi ko kayang tumindig na mag-isa upang lumipad. Maaari bang tulungan mo ako?
Alitaptap : Aba, oo. Sandali lang, tatawag ako ng makakatulong ko.
(Ilan pang sandali ay dumating ang maraming alitaptap).
Paruparo : Maraming salamat sa inyo. Kayo ang sagot ni Bathala sa aking dalangin. Kaybuti ng inyong kalooban...
Alitaptap : Walang anuman, kaibigang Paruparo. O sige, aalis na kami.
Paruparo : Aalis na rin ako. Pupunta na ako sa aking tahanang bulaklak. Salamat na muli.
Mahalagang kaisipan: Sa oras ng kagipitan, makikilala ang tunay na kaibigan.