Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya - Page 2 of 3
Tula ni
Hermenegildo Flores
Ang dulo'y marami sa mga anak ko
ang di makabayad sa mga impuwesto
sa gayong katataas ng mga rekargo
pagka't kailangan naman ng estado.
Sa bagay na iyan, ang mga mahirap
na walang pagkunan ng dapat ibayad,
sa takot sa Sibil, aalis ngang agad,
iiwan ang baya't tutunguhi'y gubat.
Dito pipigain naman ang maiiwan,
na di makalayo sa loob ng bayan,
siyang pipiliting magbayad ng utang
kahima't wala ng sukat na pagkunan.
Maghanapbuhay ma'y anong makikita
wala nang salapi, ibayad ang iba
pagkat naubos nang hititin ng kura
sa pamamagitan ng piyesta't iba pa.
Sa limit ng mga piyesta't mga kasayahan
ay walang ginhawang napala ang bayan
kundi ang maubos ang pinagsikapang
sa buhay ng tao'y lalong kailangan.
Ang kapalaluang paggugol ng pilak
nang dahil sa pyesta ay di nag-aakyat
sa langit, kundi ang santong pagliyag
ng puso ang siya lamang hinahanap.
Niyong ang ating Amang hindi madadaya
sa inam ng pyesta at lagi ang ganda,
sapagkat ang ating gawang masasama
ay di mangyayaring bayaran ng tuwa.
Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat
at ito ang siyang lalong nararapat
ngunit ang prayle'y walang hinahangad
kungdi magpalalo't ang baya'y maghirap.