Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya

Tula ni

Hermenegildo Flores

Inang mapag-ampon, Espanyang marilag,
nasaan ang iyong pagtingin sa anak?
akong iyong bunsong abang Pilipinas
tingni't sa dalita’y di na makaiwas.

Ang mga anak kong sa iyo’y gumigiliw,
sa pagmamalasakit ng dahil sa akin;
ngayo’y inuusig at di pagitawin
ng mga prayleng kaaway mong lihim.

Sa bawat nasa mong kagaling-galingan,
ayaw ng prayleng ako’y makinabang,
sa mga anak ko’y ang ibig lamang
isip ay bulagin, ang bibig ay takpan.

Nang di maisigaw ang santong matuwid
na laban sa madla nilang ninanais
palibhasa'y wala silang iniisip
kundi ang yumaman at magdaya ng dibdib.

Sa pagpapalago ng kanilang yaman
bendita't bendisyon lamang ang puhunan,
induluhensiya't iba't ibang bahay
ng mga sagrado naman ang kalakal.

Sapagkat anumang bilhin sa kanila,
kaya namamahal, dahil sa bendita,
kahit anong gawin pag may halong kanta
ay higit sa pagod ang hininging upa.

Ibig ng simbaha't kumbentong marikit
organo't kampana aranyang nagsabit;
damasko't iba pa, datapwa't pawis
ng bayan kukunin, mahirap mang kahit.

Ani sa asyenda't kita sa simbahan
sa minsang mapasok sa mga sisidlan
ng mga kumbento'y di na malilitaw
kaya naghihirap, balang masakupan.

Learn this Filipino word:

dinapuan ng karamdaman