Isang Bansa, Wika't Diwa
Tula ni
Herminia R. Salonga
Ang bayaning José Rizal ay siyang nagpagunita
Kung anong kahalagahan ng wika sa ating nilikha
Aniya'y Ang di magmahal sa sariling wika'y
Mahigit pa sa hayop at napakalansang isda.
Matagal na ring panahong si Gat Rizal ay namatay
Ngunit ang sinabi ay nananatiling buhay
Sinasambit-sambit ito ng matanda o bata man
Nasa sarili niyang wika ay may pagmamahal.
May isa pang Pilipinong hindi man nakipagdigma
Itinuring na bayani pagka't magiti't dakila
Siya'y si Manuel Quezon na nang di pa namayapa
Ay siyang tagapagtaguyod ng ating Wikang Pambansa.
Ama ng Wikang Pambansa kung siya nga ay tawagin.
Sinikap niyang maging isa ang wika nati't damdamin
Tagalog ang napili niyang batayan ng wika natin
Ngayo'y Wikang Pilipino, walang tatak ng alipin.
Paano maipakikitang tayo ay may isang bansa
Na dapat lang magkaroon ng sarili niyang wika
Na maipagmamalaki kahi't sa mga banyaga
Pagka't tayo'y isang bansang iisa ang wika't diwa.