Kartilya

Tula ni

Emilio Jacinto

Ang kabuhayan hindi ginugugol sa isang malaki
at banal na kadahilanan ay kahoy na walang
lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita
sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa
ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang
pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at
ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap
sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat
ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang
isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda,
ngunit di mahihigit sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri
kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na
kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa
puri.

Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

Huwag mong sasayangin ang panahon; ang
yamang mawala'y mangyayaring magbalik;
ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang
magdadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang
umaapi.

Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat
sasabihin; at natutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang
patnugot ng asawa't mga anak; kung ang
umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan
ng inaakay ay kasamaan din.

Learn this Filipino word:

magaán ang katawán