Decalogo
ni Apolinario Mabini
Una. Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri nang lalo sa lahat ng bagay; ang Diyos ay siyang bukal ng buong katotohanan, ng buong lakas; ang paghahangad ng puri ang siya lamang makaakit sa iyo na huwag magbulaan, kungdi laging matuto sa katuwiran at magtaglay ng kasipagan.
Ikalawa. Sambahin mo ang Diyos sa paraang minamatuwid at minamarapat ng iyong bait at sariling kalooban, na kung tawagi'y konsensiya, sapagkat sa iyong konsensiya na sumisisi sa gawa mong masama at pumupuri sa magaling ay doon nangungusap ang iyong Diyos.
Ikatlo. Sanayin mo at dagdagan ang katutubong alam at talas ng isip na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkasakit mo sa buong makakaya ang gawang kinahihiligan ng iyong loob, na huwag kang sisinsay kailanman sa daan ng magaling at katuwiran, nang mapasaiyo ang lahat ng bagay na dapat mong kailanganin at sa paraang ito'y makatulong ka sa ikasusulong ng kalahatan; kung gayo'y magaganap mo ang ipinatutungkol sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, at kung ito'y maganap mo ay magkakapunan ka at kung may puri ka na'y ipatatanghal mo ang kaluwalhatian ng iyong Diyos.
Ikaapat. Ibigin mo ang iyong bayan o Inang Bayan na kaikalawa ng Diyos at ng iyong puri at higit sa iyong sarili, sapagka't siyang makaisa-isang Paraisong pinaglalagyan sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, bugtong na pasunod sa iyong lahi, na kaisa-kaisang mamamana mo sa iyong mga pinagnuno at siya lamang pag-asa sa iyong inanak; dahil sa kanya'y humahawak ka ng buhay, pag-ibig at pag-aari, natatamo mo ang kaginhawahan, kapurihan at ang Diyos.
Ikalima. Pagsakitan mo ang kaginhawahan ng iyong bayan nang higit sa iyong sarili at pagpilitan mong siya'y pagharian ng kabaitan, ng katuwiran at ng kasipagan, sapagka't kung maginhawa siya'y pilit ding giginhawa ikaw at ang iyong kasambahay at kamag-anakan.
Ikaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ng iyong bayan, sapagka't ikaw lamang ang tunay na makapagmamalasakit sa kanyang ika-darakila at ikatatanghal, palibhasa'y ang kanyang kasarinlan ang siya mong sariling kaluwagan at kalayaan, ang kanyang pagkadakila ang magdadala sa iyo ng lahat mong kailangan at ang kanyang pagkatanghal ang siya mong kabantugan at kabuhayang walang hanggan.
Ikapito. Sa iyong baya'y huwag kang kumilala sa kapangyarihan ng ninumang tao na hindi palagay ninyong magkababayan, sapagka't ang buong kapangyariha'y sa Diyos nagmumula at ang Diyos ay ang konsensiya ng bawat tao nangungusap, kaya't ang sinumang ituro at ihalal ng mga konsensiya ng lahat ng mamamayan ang siya lamang makapagtataglay ng wagas na kapangyarihan.
Ikawalo. Ihanap mo ang iyong bayan ng Republika, yaon bagang lahat na nagpupuno ay palagay ng mga mamamayan, at huwag mong payagan kailan mang Monarkiya, ang pagkakaroon ng hari, sapagka't walang binibigyan ang hari ng kamahalan kundi ang isa o ilan lamang sa mag-anak upang maitanghal ang sarili niyang kamag-anakan sa siyang panggagalingan ng lahat ng maghahari, hindi ganito ang Republika na nagbibigay ng kamahalan at karapatan sa lahat ayon sa bait nang bawat isa, ng pagka-dakila, alang-alang sa kaluwagan at kalayaan at ng kasaganaan at kadilagang tinataglay ng kasipagan.