Batas ng Kagitingan at Kagandahang-Asal
(Dekalogo ni Manuel L. Quezon)
- Manalig kang may Dakilang Lumikha na siyang namamatnugot sa kapalaran ng mga tao at ng mga bansa.
- Ibigin mo ang iyong tinubuang-lupa sapagka't iyan ang tahanan ng iyong kaligayahan at kagihawahan. Kauna-unahan mong tungkulin ang siya'y ipagtanggol. Humanda ka sa lahat ng sandali na magpakasakit at mamatay nang dahil sa kanya kung kinakailangan.
- Igalang mo ang Saligang-Batas sapagka't iyan ang katuturan ng makapangyarihan mong kalooban. Ang Pamahalaan ay pamahalaan mo. Itinatag iyan alang-alang sa iyong ikaliligtas at ikapapanatag. Tupdin mo ang mga batas at sikaping matupad din ng lahat, at ang mga punung-baya'y magsiganap ng kanilang mga tungkulin.
- Magbayad kang kusa at maaagap ng iyong buwis. Ang pagka-mamamayan ay nangangahulugan di lamang ng mga karapatan kundi ng mga tungkulin man.
- Ipagsanggalang mo ang kalinisan ng paghahalal at igalang ang mga kapasiyahan ng nakararami.
- Ibigin mo at igalang ang iyong mga magulang. Tungkulin mong sila'y paglingkuran nang buong-puso at kasiyahan.
- Pahalagahan mo ang iyong dangal gaya ng pag-papahalaga mo sa iyong buhay. Mahalaga ang karukha-ang may karangalan kaysa kayamanang walang dangal.
- Magpakatapat at magpakalinis ka sa iyong mga iniisip at ikinikilos. Maging makatuwiran ka at mapag-kawang-gawa, mapitagan nguni't marangal sa iyong pakikipagkapwa-tao.
- Magpakalinis ka't magpakatamtam sa pamumuhay. Huwag kang mag-aksaya ng panahon sa walang kabuluhan at sa pagpapalo. Huwag kang magmarangya sa pananamit ni magmagaslaw sa pag-uugali.
- Mamuhay kang sang-ayon sa mga dakilang kasayahan ng ating bayan. Mamitagan ka sa gawa at ngalan ng ating mga bayani. Ang kabuhayan nila'y siyang nagtuturo ng landas ng tungkulin at karangalan.
- Magpakasakit ka. Huwag mong katakutan ni ikahiya ang pangangatawan sa mga gawaing-kamay. Ang gawaing pinakinabangan ay siyang nagbubunga ng kapanatagan sa buhay at magdaragdag sa kayamanan ng bansa.
- Iasa mo sa mga sariling sikap ang iyong kaunlaran at kaligayahan. Huwag kang kanawanawang masisindak. Magtiyaga ka sa pagganap ng iyong mga tumpak na adhika.
- Harapin mo ang iyong gawain nang buong sigla, puspusan at maayos. Ang gawaing masama ang pagka-kagawa ay masahol pa sa gawaing di ginagawa. Huwag mong ipagpabukas ang magagawa mo ngayon.
- Tumulong ka sa ikabubuti ng iyong kapwa at paunlarin mo ang katarungang pangmadla. Di ka nabu-buhay nang para sa iyo lamang ni para sa iyong mga anak. Ikaw ay bahagi ng lipunang pinagkakautangan mo ng mga tiyak na sagutin.
- Mamihasa ka sa paggamit ng mga yari sa Pilipinas. Tangkilikin mo ang mga ani at kalakal ng iyong mga kababayan.
- Gamitin mo at paunlarin ang ating likas na kayamanan at simpanin para sa hinaharap. Ang mga kayamanang iya'y mana ng ating bayang di maipamimigay. Huwag mong kalakalin ang iyong pagka-mamamayan.
See also Sampung Utos ng Mga Anak ng Bayan (Dekalogo ni Andres Bonifacio) and Mga Aral ng Katipunan ni Emilio Jacinto.
Ang Batas ng Kagitingan at Kagandahang-Asal ay napapaloob sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 217 na inilagda ng yumaong Pangulong Manuel L. Quezon. ang kautusan ay nanaog noong ika-19 ng Agosto, 1939.