Sampung Utos ng Mga Anak ng Bayan
(Dekalogo ni Andres Bonifacio)
- Ibigin mo ang Diyos nang buong puso.
- Pakatandaang lagi na ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay siya ring pag-ibig sa Tinubuan, at iyan din ang pag-ibig sa kapwa.
- Itanim sa iyong puso na ang tunay na kahalagahan ng puri’t kaginhawahan ay ang ikaw ay mamatay dahil sa ikaliligtas ng Inang-Bayan.
- Lahat ng iyong mabuting hangad ay magwawagi kapag ikaw’y may hinahon, tiyaga, katwiran at pag-asa sa iyong inaasal at ginagawa.
- Pag-ingatan mo, kapara ng pag-iingat sa sariling puri, ang mga pasiya at adhikain ng K.K.K.
- Katungkulan ng lahat na ang nabibingit sa malaking kapahamakan sa pagtupad ng kanyang tungkulin ay iligtas sukdang ikapariwara ng sariling buhay at kayamanan.
- Ang kaugalian natin sa ating sarili at sa pagtupad ng ating tungkulin ay siyang kukunang halimbawa ng ating kapwa.
- Bahaginan mo ng iyong makakya ang sino mang mahirap at kapuspalad.
- Ang sipag sa paggawa na iyong ikabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa inyong asawa’t mga anak sa iyong kapatid at mga kababayan.
- Parusahan ang sino mang masamang tao’t taksil, at purihin ang mabubuting gawa. Dapat mong paniwalaan na ang tinutungo ng K.K.K. ay mga biyaya ng Diyos; na anupa’t ang ninanasa ng Inang-Bayan ay mga nasain din ng Diyos.