Ang Kinaligpitan Ko
ni Dr. José Rizal
(Tagalog version of “Mi Retiro”)
Sa may kalawakan ng pampang ng tanak, lambuting buhangin,
Sa paa ng bundok na balot ng kulay na lunti sa tingin,
Ang hamak kong kubo’y doon itinayo, sa maayang lilim
Niyong kakahuyan upang sa gubat ngang payapa’y hanapin
Ang pamahinga niyaring isipan, tighaw sa panimdim.
Ang atip ng bubong ay hamak na pawid, sahig ay kawayan,
Magaspang na kahoy ang mga haligi, pingga at tahilan,
Sa kubo kong ito ay walang bahaging may kahalagahan,
Lalong mabuti pa ang doon humilig sa lunting damuhan
Na abot ng bulong at awit ng dagat sa dalampasigan.
Doon ay may batis na umaawit pa habang naglalagos
Sa may batuhan magmula sa gubat sa may dakong likod;
Batis ay nagsanga sa tulong ng isang magaspang na tungkod,
Kung gabing tahimik ay may bulong siyang nakapag-aantok,
At kung araw naman ang langit ay parang ibig na maabot.
Kung ang kalangita’y payapang-payapa, agos ay banayad,
Panay ang taginting ng kanyang sitarang hindi namamalas,
Pagbagsak ng ulan, ang tulin ng agos ay walang katulad,
Humahagunot pa sa nangaghambalang na batong malapad,
Sa di mapipigil na kanyang pagtakbong patungo sa dagat.
Palahaw ng aso at awit ng ibon, at sigaw ng kalaw,
Ang ingay na tanging siyang bumabasag sa katahimikan;
Doo’y di kilala ang tinig ng taong palalo’t mayabang
Na susunud-sunod sa nasang guluhin ang aking isipan;
Ako’y naliligid ng katabing dagat at ng gubat lamang.
Ang dagat, ah, ito ay siya nang lahat kung para sa akin,
Kung dumadaluhong magmula sa mga malayong pampangin;
Sa akin, ang kanyang ngiti kung umaga’y anyayang magiliw,
At kung dapit-hapong ang pananalig ko’y parang nagmamaliw,
Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin.
Pagdating ng gabi: dakilang palabas ng kahiwagaan,
Malaking liwanag ng mumunting kislap na hindi mabilang
Ang doon sa langit ay nakalaganap sa kaitaasan;
Ikinukuwento ng along may hapis sa hanging malumay
Kasaysayang sadyang nawawala’t sukat sa gabing karimlan.