Kabanata 40:
Ang Karapatan at Lakas
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Mag-iikasampu na ng gabi ng paisa-isang sindihan ang mga kuwitis. Ang huling pailaw ay parang bulkan habang ang daan ay naliliwanagan ng ‘luces de Bengala’ na siyang nagsisilbing ilaw sa mga taong naglalakad patungo sa liwasang bayan.
Malaki ang entabladong pagdarausan ng dula. Ang nangasiwa sa palabas ay ang Tinyente Mayor na si Don Filipo sapagkat ang Kapitan ay nasa sugalan. Kausap ng Tinyente si Pilosopong Tasyo at nakasentro ang kanilang pag-uusap na nagbibitiw na ang Don sa kanyang tungkulin. Danga’t nalamang hindi tinanggap ng Alkalde ang pagbibitiw nito. Saglit naputol ang pag-uusap ng dalawa ng dumating si Maria Clara kasama ang mga kaibigan. Kasunod nilang dumating ang kura at ilang Kastila. Isa-isa silang inihatid sa upuan ng Tinyente.
Nagsimula na ang palabas sa pamamagitan ng tambalang tinig nina Chananay at Marianito ng ‘Crispino dela Comare’. Ang pansin ng lahat ay nasa entablado maliban kay Pari Salvi na walang kurap na nakatitig kay Maria Clara.
Tapos na na ang unang bahagi ng dula nang pumasok si Ibarra. Umugong ang bulungan, pero hindi ito pinansin ni Ibarra. Malugod na binati niya ang kasintahan at ang mga kasama nito. Tumindig si Pari Salvi o ang Kura at hiniling kay Don Filipo na paalisin si Ibarra. Ngunit, hindi sumunod ang Don at sinabing hindi niya magagawa ang gayon sapagkat nag-abuloy ng malaki si Ibarra. Isa pa, anang Don hindi siya natatakot sa gagawin ng kura sapagkat maghapong kau-kausap ng Kapitan Heneral at ng Alkalde ng lalawigan si Ibarra. Kaya, wala itong dapat ipangamba. Napilitan umalis ang Kura at ang mga kasama nito. May ilang tao na lumapit kay Ibarra at sinabing huwag pansinin ang paglisan ng Kura, sapagkat ang mga ito ang nagsasabing si Ibarra ay eskumulgaldo. Dahil dito, naitanong ni Ibarra na sila ay nasa panahon pa ng edad Media.
Nilapitan ni Ibarra ang mga dalaga at nagpaalam na ilang sandali siyang mawawala sapagkat mayroong nalimutang tipanan. Pinigilan siya ni Sinang subalit nangako si Ibarra na babalik na lamang siya. Papalabas na si Yeyeng upang sumayaw, nang lumapit ang dalawang sibil kay Don Filipo at ipinatitigil ang palabas dahil hindi raw makatulog sa ingay ang Alperes at si Donya Consolacion. Pero, hindi pinagbigyan ang kahilingan ng mga Sibil at natapos na ang dula. Pero, bigla na lang nagkagulo.
May dalawang Sibil na hinagad ang mga musikero upang pigilin ang palabas pero ang mga ito ay nahuli ng mga kuwadrilyero na katulong ni Don Filipo. Tiyempo namang nakabalik na si Ibarra. Kaagad na hinanap niya si Maria. Kumapit na sa bisig ni Ibarra ang mga nasindakna dalaga. Walang tigil naman sa kauusal ng letania sa latin si Tiya Isabel. Ang mga Sibil na inihatid ng mga kuwaddrilyero sa tribunal ay pinagbabato ng mga tao. May mga pulutong ng mga kalalakihan na nagbabalak ng masama sa mga Sibil. Pero, pinakiusapan sila ni Don Filipo na huwag ng palalain pa ang pangyayari. Ngunit, hindi siya pinansin. Kaya kay Ibarra siya nakiusap. Sinabi ng binata na wala siyang magagawa. Pinakiusap ni Ibarra si Elias na puntahan ang mga kalalakihang nagbabalak ng masama. Napahinuhod naman ng piloto ang mga lalaki na huwag ng ituloy ang kanilang mga binabalak. Isa-isa ng nagsi-alisan ang mga tao.