Kabanata 25: Pagbabalik sa Albanya at Pagsagip Kay Laura
314 Naging limang buwan ako sa Krotona,
nagpilit bumalik sa Reynong Albanya;
'di sinong susumang sa akay ng sinta,
kundi ang tinutungo'y lalo't isang Laura.
315 Sa gayong katulin ng amin paglakad,
naiinip ako't ang nasa'y lumipad;
aba't nang matanaw ang muog ng s'yudad,
kumutob sa aking puso'y lalong hirap!
316 Kaya pala gayo'y ang nawawagayway
sa kuta'y hindi na bandilang binyagan,
kundi Medialuna't reyno'y nasalakay
ni Alading salot ng pasuking bayan.
317 Ang akay kong hukbo'y kusang pinahimpil
sa paa ng isang bundok na mabangin,
'di kaginsa-ginsa'y natanawan namin,
pulutong ng Morong lakad ay mahinhin.
318 Isang binibini ang gapos na taglay
na sa damdam nami'y tangkang pupugutan;
ang puso ko'y lalong naipit ng lumbay
sa gunitang baka si Laura kong buhay.
319 Kaya 'di napigil ang akay ng loob
at ang mga Moro'y bigla kong nilusob;
palad nang tumakbo at hindi natapos
sa aking pamuksang kalis na may poot!
320 Nang wala na akong pagbuntuhang galit,
sa 'di makakibong gapos ay lumapit;
ang takip sa mukha'y nang aking ialis,
aba ko't si Laura! May lalo pang sakit?
321 Pupugutan dahil sa hindi pagtanggap
sa sintang mahalay ng emir sa s'yudad;
nang mag-asal-hayop ang Morong pangahas,
tinampal sa mukha ang himalang dilag.
322 Aking dali-daling binalag sa kamay
ang lubid na walang awa at pitagan;
ang daliri ko'y naaalang-alang
marampi sa balat na kagalang-galang.
323 Dito nakatanggap ng luna na titig
ang nagdaralitang puso sa pag-ibig;
araw ng ligayang una kong pagdinig
ng sintang Florante sa kay Laurang bibig.
Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad sa kanyang bayan sapagkat sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating nila sa Albanya ay namangha siya sapagkat ang bandilang nakawagayway sa kanilang bayan ay bandila ng mga Moro. Niligtas ni Florante si Laura sa kamay ng isang pangkat ng mga Moro na magpaparusa at pupugot ng ulo sa kanyang kasintahang si Laura dahilan sa pagtanggi nito sa pagsuyo ng Emir o gobernador ng mga Morong sumasakop sa kanilang bayan.