Kabanata 26: Ang Pagtataksil ni Adolfo

324   Nang aking matantong nasa bilangguan
ang bunying monarka't ang ama kong hirang;
nag-utos sa hukbo't aming sinalakay
hanggang 'di nabawi ang Albanyang bayan.

325   Pagpasok na namin sa loob ng reyno,
bilanggua'y siyang una kong tinungo;
hinango ang hari't ang dukeng ama ko
sa kaginooha'y isa si Adolfo.

326   Labis ang ligayang kinamtan ng hari
at ng natimawang kamahalang pili;
si Adolfo lamang ang nagdalamhati,
sa kapurihan kong tinamo ang sanhi.

327   Pangimbulo niya'y lalo nang nag-alab
nang ako'y tawaging Tanggulan ng S'yudad,
at ipinagdiwang ng haring mataas
sa palasyo real nang lubos na galak.

328   Saka nahalatang ako'y minamahal
ng pinag-uusig niyang kariktan;
ang Konde Adolfo'y nagpapakamatay —
dahil sa korona — kay Laura'y makasal.

329   Lumago ang binhing nagmula sa Atenas
ipinunlang nasang ako'y ipahamak;
kay Adolfo'y walang bagay na masaklap,
para ng buhay kong hindi nauutas.

330   'di nag-ilang buwan ang sa reynong tuwa
at pasasalamat sa pagkatimawa,
dumating ang isang hukbong maninira
ng tagaTurkiyang masakim na lubha.

331   Dito ang panganib at pag-iiyakan
ng bagong nahugot sa dalitang bayan,
lalo na si Laura't ang kapangambahan
ang ako ay sam-ing palad sa patayan.

332   Sapagkat heneral akong inatas
ng hari sa hukbong sa Moro'y lalabas;
nag-uli ang loob ng bayang nasindak
puso ni Adolfo'y parang nakamandag.

333   Niloob ng Langit na aking masupil
ang hukbo ng bantog na si Miramolin;
siyang mulang araw na ikinalagim
sa Reynong Albanya ng Turkong masakim.

334   Bukod dito'y madlang digma ng kaaway
ang sunud-sunod kong pinagtagumpayan;
anupa't sa aking kalis na matapang,
labimpitong hari ang nangagsigalang.

335   Isang araw akong bagong nagbiktorya
sa Etolyang S'yudad na kusang binaka,
tumanggap ng sulat ng aking monarka,
mahigpit na biling umuwi sa Albanya.

336   At ang paninihala sa dala kong hukbo,
ipagkatiwalang iwan kay Menandro;
noon di'y tumulak sa Etolyang Reyno,
pagsunod sa hari't Albanya'y tinungo.

337   Nang dumating ako'y gabing kadiliman,
pumasok sa reynong walang agam-agam;
pagdaka'y nakubkob lLaking kaliluhan
ng may tatlumpung libong sandatahan.

338   'di binigyang-daang akin pang mabunot
ang sakbat na kalis at makapamook;
buong katawan ko'y binidbid ng gapos,
piniit sa karsel na katakut-takot.

339   Sabihin ang aking pamamahangha't lumbay,
lalo nang matantong monarka'y pinatay
ng Konde Adolfo't kusang idinamay
ang ama kong irog na mapagpalayaw.

340   Ang nasang yumama't haring mapatanyag
at uhaw sa aking dugo ang yumakag
sa puso ng Konde sa gawang magsukab ...
O, napakarawal na Albanyang S'yudad!

341   Mahigpit kang aba sa mapagpunuan
ng hangal na puno at masamang asal,
sapagkat ang haring may hangad sa yaman
ay mariing hampas ng Langit sa bayan.

342   Ako'y lalong aba't dinaya ng ibig,
may kahirapan pang para ng marinig
na ang prinsesa ko'y nangakong mahigpit
pakasal sa Konde Adolfong balawis?

343   Ito ang nagkalat ng lasong masidhi
sa ugat ng kaing pusong mapighati
at pinagnasaang buhay ko'y madali
sa pinanggalingang wala'y masauli.

Nilusob nila Florante ang reynong Albanya, nasakop ito at nailabas sa piitan ang hari, ang kanyang ama at si Adolfo, na ikinulong sa karsel ng palasyo kasama ng ibang kaginoohan sa Albanya. Labis ang kagalakan ng hari at si Adolfo lamang ang nagdadalamhati sa kapurihang tinanggap ni Florante. Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya at nagaping muli ni Florante ang mga kalaban. Labimpitong kaharian pa ng mga Moro ang pinagtagumpayan nila ni Menandro. Sa Etolya, may sulat na nagtatagubilin kay Florante ang Haring Linceo na iwanan ang hukbo kay Menandro at umuwing nag-iisa sa palasyo nito. Hindi niya akalain na pagdating niya ay dinakip agad siya ng may 30,000 sandatahan ni Adolfo at dali-dali siyang ikinulong sa bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke Briseo ay pakana ni Adolfo. Nalaman din niyang malapit nang ikasal si Laura kay Adolfo. Dahil dito, ninais na niyang mawalan ng sariling buhay.

Learn this Filipino word:

ipagbará ng ilóng