Kabanata 24: Pakikipaglaban Kay Osmalik
296 Dumating ang araw ng aking pag-alis,
sino ang sasayod ng bumugsong sakit?
Dini sa puso ko'y alin ang hinagpis
na hindi nagtimo ng kanyang kalis?
297 May sakit pa kayang lalalo ng tindi
sa ang sumisinta'y mawalay sa kasi?
Guni-guni lamang 'di na ang magyari,
sukat ikalugmok ng pusong bayani.
298 O nangag-aalay ng mabangong suob
sa dahilang altar ni Kupidong diyos,
sa dusa ko'y kayo ang nakatatarok
noong mangulila sa Laura kong irog!
299 At kung 'di sa luhang pabaon sa akin,
namatay na muna ako bago ko naatim;
dusang 'di lumikat hanggang sa dumating
sa Bayang Krotonang kubkob ng hilahil.
300 Kuta'y lulugso na sa bayong madalas
ng mga makinang talagang pangwalat,
siyang paglusob ko't ng hukbong akibat,
ginipit ang digmaang kumubkob sa s'yudad.
301 Dito'y ang masidhing lubhang kamatayan
at Parkas Atropos ay nagdamdam-pagal
sa paggapas nila't pagkitil ng buhay
ng naghihingalong sa dugo'y naglutang.
302 Makita ng piling Heneral Osmalic
ang aking marahas na pamimiyapis,
pitong susong hanay na dulo ng kalis,
winahi ng tabak nang ako'y masapit.
303 Sa kaliwa't kanan niya'y nangalaglag
mga soldados kong pawang mararahas;
lumapit sa aking mata'y nagniningas,Halika
, aniya't kita ang maglamas.
304 Limang oras kaming hindi naghiwalay
hanggang sa nahapo ang bato ng tapang;
nagliksa ang langit nang aking mapatay ...
habag sa gererong mundo'y tinakhan.
305 Siya nang pagsilid ng pangingilabot
sa kalabang hukbong parang sinasalot
ng pamuksang tabak ni Menandrong bantog.
Ang kampo't biktorya'y napaaming lubos.
306 Tagumpay na ito'y pumawi ng lumbay
ng mga nakubkob ng kasakunaan;
panganib sa puso'y naging katuwaan,
ang pinto ng s'yudad pagkadaka'y nabuksan.
307 Sinalubong kami ng haring dakila,
kasama ng buong bayang natimawa;
ang pasasalamat ay 'di maapula
sa 'di magkawastong nagpupuring dila.
308 Yaong bayang hapo't bagong nakatighaw
sa nagbalang bangis ng mga kaaway,
sa pagkatimawa ay nag-aagawang
malapit sa aki't damit ko'y mahagkan.
309 Sa lakas ng hiyaw ng Pamang matabil,
bibang dugtung-dugtong ay nakikisaliw;
ang gulong Salamat, nagtanggol sa amin!
dininig sa langit ng mga bituin.
310 Lalo na ang tuwa nang ako'y matatap
na apo ng hari nilang nililiyag;
ang monarka nama'y 'di munti ang galak,
luha ang nagsabi ng ligayang ganap.
311 Nagsiakyat kami sa palasyong bantog
at nangagpahinga ang soldadong pagod;
datapwa't ang baya'y tatlong araw halos
na nakalimutan ang gawing matulog.
312 Sa ligaya namin ng nuno kong hari,
nakipagitan din ang lilong pighati;
at ang pagkamatay ng ina kong pili,
malaon nang lanta'y nanariwang muli.
313 Dito naniwala ang bata kong loob
na sa mundo'y walang katuwaang lubos;
sa minsang ligaya't tali na'ng kasunod —
makapitong lumbay hanggang matapos.
Sa digmaan, halos masira na ang kuta nila. Si Florante at Menandro ang kapwa nagtulong mamuno sa hukbo. Naglaban si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng limang oras na paglalaban ay nagapi niya ito. Nabawi nila ang kaharian ni Haring Linseo.