Kabanata 23: Isang Pusong Sumisinta

288   Hindi ko makita ang patas na wika
sa kaguluhan ko't pagkawalandiwa,
nang makiumpok na'y ang aking salita,
anhin mang tuwirin ay nagkakalisya.

289   Nang malutas yaong pagsasalitaan
ay wala na akong kamaharlikaan;
kaluluwa'y gulo't puso'y nadadarang
sa ningas ng sintang bago kong natikman.

290   Tatlong araw noong piniging ng hari
sa palasyo real na sa yama'y bunyi
ay 'di nakausap ang punong pighati
at inaasahang iluluwalhati.

291   Dito ko natikman ang lalong hinagpis,
higit sa dalitang naunang tiniis;
at hinulaan ko ang lahat ng sakit
kung sa kahirapan mula sa pag-ibig.

292   Salamat at noong sa kinabukasan,
hukbo ko'y lalakad sa Krotonang Bayan,
sandaling pinalad na nakapanayam
ang prinsesang nihag niring katauhan.

293   Ipinahahayag ko nang wikang mairog,
nang buntung-hininga, luha at himutok,
ang matinding sintang ikinalulunod
magpahangga ngayon ng buhay kong kapos.

294   Ang pusong matibay ng himalang dikit,
nahambal sa aking malumbay na hibik;
dangan ang kanyang katutubong bait
ay humadlang, disin sinta koy' nabihis.

295   Nguni'y kung ang oo'y 'di man binitiwan,
naliwanagan din sintang nadirimlan;
at sa pagpanaw ko ay pinabaunan
ng may hiyang perlas na sa mata'y nukal.

Nagkaroon ng tatlong araw na piging para kay Florante. Sa piging na iyon ay sandali lamang silang nagkasarilinan ni Laura at ipinahayag ang kanyang damdamin sa dalaga. Nang pupunta na si Florante upang makidigma, nagbaon ng luha si Laura sa kanyang pag-alis.

Learn this Filipino word:

ipagbilí nang buô