Kabanata 22: Si Laura
275 Siyang pamimitak at kusang nagsabog
ng ningning ang talang kaagaw ni Benus —
anaki ay bagong umahon sa bubog,
buhok ay naglugay sa perlas na batok.
276 Tuwang pangalawa kung hindi man langit
ang itinatapon ng mahinhing titig;
o, ang luwalhating buko ng ninibig,
pain ni Kupidong walang makarakip.
277 Liwanag ng mukha'y walang pinag-ibhan
kay Pebo kung anyong bagong sumisilang;
katawang butihin ay timbang na timbang
at mistulang ayon sa hinhin ng asal.
278 Sa kaligayaha'y ang nakakaayos —
bulaklak na bagong hinawi ng hamog;
anupa't sinumang palaring manood,
patay o himala kung hindi umirog.
279 Ito ay si Laurang ikinasisira
ng pag-iisip ko tuwing magunita,
at dahil nang tanang himutok at luha —
itinotono ko sa pagsasalita.
280 Anak ni Linceong haring napahamak
at kinabukasan na'ng aking pagliyag;
bakit itinulot, Langit na mataas
na mapanood ko kung 'di ako dapat?
281 O Haring Linceo, kundi mo pinilit
na sa salitaan nati'y makipanig,
ng buhay ko disi'y hindi nagkasakit
ngayong pagliluhan ng anak mong ibig!
282 Hindi katoto ko't si Laura'y 'di taksil,
aywan ko kung ano't lumimot sa akin!
Ang palad ko'y siyang alipusta't linsil,
'di lang magtamo ng tuwa sa giliw.
283 Makakapit kaya ang gawang magsukab
sa pinakayaman ng langit sa dilag?
Kagandaha'y bakit 'di makapagkalag
ng pagkakapatid sa maglilong lakad?
284 Kung nalalagay ka’y, ang mamatuwirin,
sa laot ng madlang sukat ipagtaksil,
dili ang dangal mo'ng dapat na lingapin,
mahigit sa walang kagandaha't ningning?
285 Ito ay hamak pa bagang sumansala
ng karupukan mo at gawing masama?
Kung ano ang taas ng pagkadakila,
siya ring lagapak naman kung marapa!
286 O bunying gererong naawa sa akin,
pagsilang na niyong nabagong bituin,
sa pagkakita ko'y sabay ang paggiliw,
inagaw ang pusong sa ina ko'y hayin!
287 Anupa't ang luhang sa mata'y nanagos
ng pagkaulila sa ina kong irog,
natungkol sa sinta't puso'y nangilabot,
baka 'di marapat sa gayong alindog.
Nakilala at naakit si Florante sa kagandahan ni Laura, anak ni Haring Linseo.