Kabanata 21: Heneral ng Hukbo

264   Sagot ni Florante: Huwag ding maparis
ang gererong bantog sa palad kong amis;
at sa kaaway ma'y 'di ko ninanais
ang laki ng dusang aking napagsapit.

265   Matanto ni ama ang gayong sakuna —
sa Krotonang Baya'y may balang sumira,
ako'y isinama't humarap na bigla
sa Haring Linceong may gayak ng digma.

266   Kami ay bago pang nanakyat sa hagdan
ng palasyong batbat ng hiyas at yaman
ay sumalubong na ang haring marangal,
niyakap si ama't ako'y kinamayan.

267   Ang wika'y O Duke, ang kiyas na ito
ang siyang kamukha ng bunying gerero;
aking napangarap na sabi sa iyo,
magiging haligi ng setro ko't reyno.
.

268   Sino ito'y saan nanggaling na siyudad?
Ang sagot ni ama ay Bugtong kong anak
na inihahandog sa mahal mong yapak,
ibilang sa isang basalyo't alagad.

269   Namangha ang hari at niyakap ako.
Mabuting panahon itong pagdating mo;
ikaw ang heneral ng hukbong dadalo
sa Bayang Krotonang kinubkob ng Moro.

270   Patotohanan mong hindi iba't ikaw
ang napangarap kong gererong matapang
na maglalathala sa sansinukuban
ng kapurihan ko at kapangyarihan.

271   Iyong kautangan paroong mag-adya,
nuno mo ang hari sa Bayang Krotona;
dugo kang mataas at dapat kumita
ng sariling dangal at bunyi sa giyera.

272   Sapagkat matuwid ang sa haring saysay,
umayon si ama, kahit mapait man,
na agad masubo sa pagpapatayan
ang kabataan ko't 'di kabihasaan.

273   Ako'y walang sagot na naipahayag
kundi haring poo't nagdapa sa yakap;
nang aking hahagkan ang mahal na bakas,
kusang itinindig at muling niyakap.

274   Nag-upuan kami't saka nagpanayam
ng bala-balaki't may halagang bagay,
nang sasalitin ko ang pinagdaanan
sa bayang Atenas na pinanggalingan.

Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linseo at sa pagpupulong ng mga pinuno ay napagpasiyahang si Florante ang mamumuno sa hukbo ng Krotona.

Learn this Filipino word:

bábahâ ng dugô