Kabanata 20: Pagdating sa Albanya at Paghingi ng Tulong ng Krotona
254 Bininit sa busog ang siyang katulad
ng tulin ng aming daong sa paglalayag,
kaya 'di nalaon paa ko'y yumapak
sa dalampasigan ng Albanyang S'yudad.
255 Pag-ahon ko'y agad nagtuloy sa kinta,
'di humihiwalay ang katotong sinta;
paghalik sa kamay ng poon kong ama,
lumala ang sakit nang dahil kay ina.
256 Nagdurugong muli ang sugat ng puso,
humigit sa una ang dusang bumubugso;
mawikang kasunod ng luhang tumulo;Ay, ama!
kasabay ng bating Ay, bunso!.
257 Anupa't ang aming buhay na mag-ama,
nayapos ng bangis ng sing-isang dusa;
kami ay dinatnang nagkakayakap pa
niyong embahador ng bayang Krotona.
258 Nakapanggaling na sa palasyo real
at ipinagsabi sa hari ang pakay;
dala'y isang sulat sa ama kong hirang,
titik ng monarkang kaniyang biyanan.
259 Humihinging tulong at nasa pangamba,
ang Krotonang Reyno'y kubkob ng kabaka;
ang puno ng hukbo'y balita ng sigla —
Heneral Osmalic na bayani ng Persya.
260 Ayon sa balita'y pangalawa ito
ng prinsipe niyang bantog sa sangmundo —
Alading kilabot ng mga gerero,
iyong kababayang hinahangaan ko.
261 Dito napangiti ang Morong kausap,
sa nagsasalita'y tumugong banayad;
aniya'y Bihirang balita'y magtapat,
kung magtotoo ma'y marami ang dagdag.
262 At saka madalas kilala ng tapang
ay ang guniguning takot ng kalaban;
ang isang gererong palaring magdiwang,
mababalita na at pangingilagan.
263 Kung sa katapanga'y bantog si Aladin,
may buhay rin namang sukat na makitil;
iyong matatantong kasimpantay mo rin
sa kasam-ang palad at dalang hilahil.
Pagdating sa Albanya ay sinalubong sila ng kanyang ama. Kapwa sila namighati sa nangyari sa kanyang ina. Siya namang pagdating ng sugo mula sa lolo ni Florante na hari ng Krotona, nanghihingi ng saklolo sapagkat ang bayan nila ay sinalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral Osmalik.